COVID-19 hospitalizations sa NCR, 60% na mas mababa dahil sa  mataas na vaccination rate

COVID-19 hospitalizations sa NCR, 60% na mas mababa dahil sa mataas na vaccination rate

MAS mababa ng 60%  ang tsansa ng mga COVID-19 patients sa Metro Manila na maospital kumpara sa ibang mga lugar dahil sa mas mataas na vaccination rate sa rehiyon, ayon sa Department of Health (DOH).

Sa isang online media briefing, binanggit ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na tumaas ang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila noong holiday season ngunit karamihan sa kanila ay hindi naospital.

Ani Vergeire na ang decoupling ay inoobserbahan sa NCR.

Dagdag ni Vergeire, mas marami na rin ang “incidental” COVID-19 cases o  ang mga na-admit para sa iba pang kondisyon sa kalusugan tulad ng acute appendicitis, acute coronary syndrome, cardiovascular disease infarct, at trauma mula sa vehicular crash – ngunit sa huli ay naging positibo sa virus.

Ibig sabihin dahil sa mas mataas na vaccination rate rin sa rehiyon, maraming tao ang hindi na nagpapakita ng sintomas ng COVID-19.

Binanggit din niya na ang data mula sa Philippine General Hospital (PGH) ay nagpapakita na “nagbago ang pattern” ngayong mas malaking proporsyon ng mga pasyente ay incidental COVID-19 infections.

Batay sa datos ng PGH, 53.9 percent ng COVID-19 patients sa ospital ang na-admit para sa COVID-19 habang 46.1 percent ang incidental cases sa panahon ng wave ng Delta infections mula Setyembre 5-18, 2021.

Samantala, 11.3 percent lamang ang na-admit para sa COVID-19 habang 88.6 percent ang incidental COVID-19 cases sa panahon ng pagtaas ng holiday season mula Disyembre 25, 2021, hanggang Enero 7.

Tulad ng PGH, ang mga ospital ng DOH sa Metro Manila ay nagpapakita rin ng parehong pattern.

Ayon sa ahensya ng kalusugan, may 1,284 na pasyente sa mga ospital nito sa rehiyon ang incidental cases habang 226 ang na-admit para sa COVID-19 sa mga ward bed; 67 ay incidental habang 50 ang na-admit para sa COVID-19 sa mga intensive care unit; at 16 ang incidental cases at walo ang na-admit dahil sa COVID-19 para sa mga pasyenteng nangangailangan ng mechanical ventilator.

Gayunpaman, ani Vergeire ang pagkakaroon ng mga mild cases at mas maraming incidental na kaso ng COVID-19 ay hindi nangangahulugang hindi na mao-overwhelm ang mga ospital.

Follow SMNI NEWS on Twitter