DA: Pagtaas sa presyo ng kamatis sa merkado dahil sa kakulangan ng suplay nito

DA: Pagtaas sa presyo ng kamatis sa merkado dahil sa kakulangan ng suplay nito

ANG kamatis ay isa sa mga pinaka-pangunahing sangkap sa maraming putahe.

Ito ay hindi lamang nagbibigay ng natatanging lasa, kundi mayaman din ito sa nutrisyon.

Pero, ang paggamit sa naturang sangkap, posibleng maapektuhan ngayong tumaas ang presyo nito sa merkado.

Base sa price monitoring ng Department of Agriculture (DA) – naglalaro na sa P120 hanggang P180 ang presyo ng kamatis sa mga pamilihan sa Metro Manila.

Si Kuya Elmer, nililimitahan na lang ang binibiling kamatis para maka-menos sa gastos.

‘’Kaya ang paggamit ng kamatis ay hati-hatiin na lang muna para makatipid-tipid. Mawala kasi ‘yung sarap kapag kulang sa kamatis,’’ ayon kay Elmer Longno.

Si Ate Vilma naman iniwasan muna ang paglalagay ng price tag sa kanyang mga panindang kamatis sa Commonwealth Market.

‘’Kaya po kami hindi naglalagay ng presyo para hindi rin magulat ‘yung mga namimili. Kasi ang ginagawa nila ay napapa-inhale exhale sila napapamura po kapag naririnig nila ‘yung ganong halaga,’’ saad ni Vilma Concino tindera ng kamatis.

Ayon sa Department of Agriculture, malaking factor ng pagtaas sa presyo ng kamatis ngayon ay dahil sa sunod-sunod na pag-uulan.

‘’Ngayon kasi nag-uulan medyo mahal talaga ang kamatis kapag wet season o tag-ulan. Murang mura ang kamatis kapag tag-araw. May kaunti na nagdelay ‘yung harvest kagaya doon sa Norte pero doon sa ibang areas sa Central at Southern Luzon ay okay naman,’’ ani Asec. Arnel De Mesa Spokesperson, DA.

Ayon sa Department of Agriculture, asahan daw na bababa na ang presyo ng kamatis sa mga susunod na linggo. Kasunod ng pagdating ng bulto-bultong lokal na suplay sa pamilihan.

‘’Mas tataas pa kagaya kagabi na umorder kami ng small kasi masyadong mataas na ‘yung medium at tsaka big kasi nga shortage po sa suplay. ‘Yung sinasabi na bababa hindi ho,’’ saad ni Rowena Tumabiene tindera ng kamatis.

‘’Sir, aabot pa ba ng P200 bago ‘yung harvest? Hindi na siguro kasi alam na nila na marami ng parating in 1 to 2 weeks time,’’ ani De Mesa.

SINAG, nababahala sa posibleng pagbaha ng imported sibuyas sa merkado

Samantala, ikinababahala din ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang posibleng pagbaha ng pulang sibuyas sa merkado.

Ito ay dahil na rin sa pagtatapos ng importation ban sa sibuyas ngayong buwan ng Hulyo.

‘’Babagsak ang presyo ng sibuyas and ‘yung lahat ng mga nagcold storage ay malulugi ‘yun ang malaking problema,’’ ayon kay Engr. Rosendo So Chairman, SINAG

Sa datos, papalo sa siyam na buwan o halos 276 na araw o 162,00p metric tons ang suplay ng lokal pulang sibuyas sa bansa.

Tatagal daw ito ng hanggang sa unang kwarter ng 2025 habang nasa higit 11,000 metric tons naman sa puting sibuyas na aabutin pa sa Setyembre ng taon.

DA: Import ban sa pulang sibuyas, posibleng palawigin pa

Paliwanag ng DA, naging maganda ang anihan ng sibuyas kaya’t maraming magsasaka ang nagpasok ng ani sa cold storages.

Pero, pinag-aaralan na raw ng ahensya ang pagpapalawig sa import ban sa sibuyas na pula.

‘’Una, kasi marami nga tayong stocks. Kapag pumasok iyong imported na mas mura, it will drive down iyong price so we also need to consider ‘yung patong ng ating mga magsasaka,’’ ani Asec. Arnel De Mesa

Pero, bukas naman ang ahensya sa posibleng pag-aangkat ng puting sibuyas.

Sa ngayon, walang balak ang DA na magpatupad ng SRP sa sibuyas dahil nanatiling stable ang presyuhan sa merkado na naglalaro sa P60 hanggang P80 kada kilo.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble