INIHAYAG ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na daan-daang libong buhay ang nailigtas mula sa nakamamatay na COVID-19 dahil sa mabilis na aksyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Pinuri ng pamunuan ng DILG ang ginawa at patuloy na ginagawang aktibong aksyon ni Pangulong Duterte.
Dahil sa agarang pagtugon ng Pangulo sa gitna ng pandemya, tinatayang nasa 200,000 buhay ang naisalba mula sa nakamamatay na coronavirus disease.
Ito ang binigyang-diin ni DILG Secretary Eduardo Año batay sa kanyang inilatag na statistical reports sa naganap na pulong sa Malakanyang.
Partikular na tinukoy ni Año ang pagpapatupad ng hard lockdown sa Metro Manila at iba pang syudad sa bansa sa kasagsagan ng pagtaas ng kaso ng COVID-19.
“Sa panahon pong noon ay wala talaga tayong healthcare facilities at natatandaan ko mga 1,500 lang ‘yung ating test kit at panahon po na ‘yun talagang pumasok po ‘yung tinatawag natin na surge and you made the decision. Your decision, Mr. President, saved probably a hundred thousand lives. And, yes, other says 200,000 lives,” pahayag ni Año.
At ngayong naibaba na sa Alert Level 1 ang National Capital Region (NCR), na siyang pinakamababang risk level, sabi ng kalihim na ‘very historic’ ito matapos ang pakikipaglaban ng bansa mula sa ibat ibang nakahahawang variants ng COVID-19 sa loob ng dalawang taon.
Kaugnay nito, inihayag ni Año na nakahanda na sa implementasyon ng Alert Level 1 ang local government units, Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcers maging ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at ng national government agencies.
Mababatid na ang mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1 ay pinapayagan na ang dahan-dahang pagbabalik sa normal gaya ng maluwag na travel restrictions, 100 percent workforce, face-to-face classes at iba pa.
Samantala, inilahad naman ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Jose Ruperto Martin Andanar na ang suporta ni Pangulong Duterte sa media arm ng Malakanyang ay talagang malaking kontribusyon sa matagumpay na COVID-19 information campaign.
Nakatutulong aniya ito sa matagumpay na implementasyon ng public health measures gaya ng pagsusuot ng face masks, pag-obserba ng social distancing, palagiang paghuhugas ng kamay at disinfection.