KINATIGAN ng 23 senador ang resolusyon na humihimok sa PAGCOR na suspendihin ang operasyon ng e-sabong habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon hinggil sa mga nawawalang sabungero na huling pumunta at nakita sa sabungan.
Sa huling tala ng Philippine National Police (PNP) nasa 31 ang naireport na mga sabungero na nawawala.
Nakasaad sa resolusyon na dapat munang mapatigil ang operasyon ng pitong e-sabong operators na kinabibilangan ng Belvedere Vista Corporation, Lucky 8 Star Quest Inc., Visayas Cockers Club, Inc., Jade Entertainment and Gaming Technologies, Inc., Newin Cockers Alliance Gaming Corporation, Philippine Cockfighting International Inc., and Golden Buzzer, Inc.
Nakasaad din sa resolusyon na nangangamba ang mga law-enforcement agency na maaari pang tumaas ang bilang ng nawawala kung magpapatuloy ang operasyon ng e-sabong.
Lumalabas na well organized group ang nasa likod ng pagkawala ng mga sabungero.
Ayon rin sa PNP, hirap silang makakuha ng sapat na ebidensya dahil sa kawalan ng mga material evidence gaya ng CCTV camera footage sa mga sabungan.
Ayon naman kay Sen. Kiko Pangilinan, dapat permanenteng mapatigil ang operasyon ng online sabong.
Samantala, una nang sinabi ng PAGCOR na galing sa legal opinion ng DOJ at SolGen ang awtoridad nila sa pagbibigay ng lisensya sa mga e-sabong operators.
Sa kabila nito nangako ang PAGCOR na handa silang ipatigil ang operasyon online sabong sa oras na ito ay aaprubahan ni Pangulong Duterte.
Ayon naman sa Malacañang, wala pa silang natatanggap na resolusyon mula sa Senado.
“Wala pa po tayong nakikitang Senate Resolution, walang Senate Resolution na binigay or pinadala sa Office of the President. Wala pong Senate Resolution na binigay or pinadala sa PAGCOR. So, wala pa po tayong abiso. These are all reports that we read in the newspapers. These are reports that we heard, but there is no official document that has been transmitted either to the Office of the President or to Malacañang or to PAGCOR or to whatever,” pahayag ni CabSec. Karlo Nograles, Acting Palace Spokesperson.
Ayon sa mga testimonya ng kamag-anak ng mga sabungero, bago tuluyang nawala ang mga ito ay nahold sila sa mga sabungan.
Magpapatuloy naman ang imbestigasyon ng Senate Committee on Public Order hinggil sa nawawalang sabungero sa Marso 4.