NAKATAKDANG irekomenda ang dagdag na passenger capacity sa mga Public Utility Vehicle (PUV) ng Department of Transportation (DOTr), sa Inter-Agency Task Force (IATF), dahil sa pagsasailalim sa National Capital Region (NCR) sa mas maluwag na Alert level 3.
Alinsunod sa nais ng DOTr na balansehin ang pangangailangan ng mga drivers, operators, at mga pasahero, ikinokonsidera ng ahensya ang pakikipagpulong sa IATF upang taasan ang passenger capacity sa mga pampublikong sasakyan.
Ayon kay DOTr Assistant Secretary Steve Pastor, pag-aaralan muna nila kung-ilan ang maaaring idagdag na mga pasahero bago nila ito tuluyang irekomenda sa IATF.
‘’Tinitingnan natin na magtaas ng seating capacity sa public transportation. Bilang tugon sa lumalaking gastusin sa day-to-day operations ng ating operators, and at the same time, this will also address yung matagal na hinihiling ng ating mga kasamahan sa business sector na dapat mas mapalago ang economic activities. We can contribute to that through an increase in public transportation, and their capacity,’’ayon kay Steve Pastor.
Dagdag ni Pastor na ang pagtaas ng bilang ng PUV passenger capacity mula sa kasulukuyanh 50% ay hindi lang makakatulong sa mga commuters pero maging sa mga PUV drivers at operators din.
‘’Nais po naming bigyang diin yung guidance ni Secretary Art Tugade na dapat po balansehin natin ang pangangailangan ng ating mga drivers, ‘yung pangagailangan ng ating mga operators kumpara sa kakayanan ng ating mga pasahero ngayong pandemya. Maalala natin na karamihan sa ating mga kababayan ay nahinto sa trabaho, yung iba naman ay babalik pa lamang sa trabaho because of the Level 3 status dito sa NCR,’’dagdag nito.