NASA P1.04-B na pondo ang naibigay na sa Department of Health (DOH) para sa Special Risk Allowance (SRA) ng eligible public at private health workers.
Ito ay matapos aprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) nitong Oktubre 3 ang Special Allotment Release Order (SARO) para sa naturang pondo.
Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, kinilala ng ahensya ang pagiging napakalaking sakripisyo na patuloy na ibinubuhos ng healthcare workers lalo na sa panahon ng pandemya.
Saad ng DBM, saklaw ng nasabing budget ang hindi nabayarang COVID-19 SRA claims ng 55,211 health workers na kasama sa pandemic health care response.
Makatatanggap ng P5,000 ang healthcare worker para sa bawat buwan nilang pagsisilbi sa panahon na nasa ilalim ang bansa sa state of national emergency.