Danish Gov’t, nagpahayag ng interes sa investment, education at peacebuilding sa Pilipinas

Danish Gov’t, nagpahayag ng interes sa investment, education at peacebuilding sa Pilipinas

NAG-courtesy call ang anim na diplomat kay Vice President Sara Duterte nitong Miyerkules  kung saan napag-usapan ang iba’t ibang isyu mula sa edukasyon, sports, investment at iba pa.

Nakipagkita kay VP Duterte ang mga ambassador ng mga Embasiya ng Denmark, Hungary, Norway, Russia, Spain at United Kingdom.

Unang nag-courtesy-call kay VP Duterte si Danish Ambassador Franz Michael Skjold Mellbin.

Ibinahagi ni Ambassador Mellbin sa bise presidente ang interes ng kanilang pamahalaan sa investment, education at peacebuilding.

Dadalaw rin ang Danish Ambassador sa Davao City para sa kanilang proyekto sa agrikultura at iba pang investment opportunities.

Hungarian Embassy, magbibigay ng scholarship program sa mga Pilipinong mag-aaral

Sa pakikipagkita naman ni Hungarian Ambassador to the Philippines Dr. Titanilla Tóth, ibinahagi nito kay VP Duterte ang The Stipendium Hungaricum Scholarship Program.

Layon ng nasabing programa na makapagbigay ng libreng suporta para sa mga Pilipinong mag-aaral.

Dagdag pa niya, ang programang ito ay nakatutok sa undergraduate, masters at doctorate studies sa larangan ng agrikultura, sustainable development, water management engineering and hydrology, architecture and protection of cultural heritage, natural sciences, environmental studies, at iba pang larangan ng interes sa Pilipinas.

Manggagawang Pinoy, kinilala ng Embassy ng Norway

Samantala kinilala naman ng Embassy ng Norway ang kalidad ng Filipino labor force o ang mga manggagawang Pinoy.

Ito ang napag-usapan nina Norwegian Ambassador Christian Halaas Lyster sa kanyang pagcourtesy call kay VP Duterte.

Ipinaabot ni Ambassador Lyster sa pangalawang pangulo ang paghanga sa mga manggagawang Pinoy lalo na sa mga seafarers na bumubuo ng malaking bilang sa maritime industry ng Norway.

OVP, handang makipagtulungan sa Russian Government sa larangan ng sports

Handa namang makipagtulungan ang Office of the Vice President sa Russian Government sa larangan ng sports na malaking tulong sa mga kabataan ayon kay Vice President Duterte.

Isa ito sa kanilang napag-usapan nang mag-courtesy call sa kaniya si Russian Ambassador Marat Ignatyevich Pavlov.

Ayon kay VP Duterte, bukas ang OVP sa plano ng Russia na dalhin ang kanilang Chess Grandmaster na si Anatoly Karpov upang turuan ang mga interesadong kabataan sa larong chess.

Pagtuturo ng kultura at ng wikang Kastila sa Pilipinas, iminungkahi ng Spanish Embasssy

Pang-limang bumisita naman sa Office of the Vice President Central Office si Spanish Ambassador to the Philippines Miguel Utray Delgado.

Iminungkahi ni Ambassador Utray ang koordinasyon sa pagitan ng Espanya at Pilipinas sa larangan ng edukasyon, partikular sa pagtuturo ng kultura at wikang Kastila sa mga paaralan sa Pilipinas.

Polisiya at mga programa ng DepEd, ibinida ni VP Sara kay UK Ambassador Beaufils

Ibinida naman ni VP Duterte kay UK Ambassador Laure Beaufils ang mga polisiya at mga programa sa Department of Education (DepEd).

Kabilang sa kanilang mga napag-usapan  ay ang pagpapatupad ng Basic Education Development Plan (BEDP) 2030, Learner Rights and Protection Office, Learning Recovery Plan sa bawat rehiyon, at ang reorganization sa DepEd kung saan binuo ang Procurement at School Infrastructure bilang mga panibagong opisina.

 

Follow SMNI News on Twitter