TINIYAK ni Marikina City Second District Rep. Stella Quimbo na hindi nakompromiso ang member database ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ito aniya ay sa kabila ng hacking incident na nangyari noong Setyembre 22 ng Medusa Ransomware.
Sa deliberasyon nitong Martes sa pondo ng PhilHealth para sa susunod na taon, siniguro ni Quimbo bilang PhilHealth budget sponsor na under control pa rin ang insidente.
Patuloy rin aniya ang imbestigasyon ng PhilHealth sa hacking incident katuwang ang mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng Department of Information and Communication Technology (DICT), National Privacy Commission (NPC), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensiya ng gobyerno.
Matatandaan na humingi ng ransom payment ang Medusa Ransomware para sa decryption key sa mga files ng PhilHealth na umano’y na-encrypt nito.
Batay sa rekord noong taong 2022, nasa mahigit 65 milyon ang direct contributors ng PhilHealth.