INIMBITAHAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte si dating Senador Juan Ponce Enrile sa Malakanyang upang talakayin ang patungkol sa West Philippine Sea (WPS).
Sabi ng Pangulo, gagawin ang special meeting sa Lunes, Mayo 17 at inaasahan niyang tatanggapin ng dating Senate President ang kanyang imbitasyon.
Hihingan ng payo ni Pangulong Duterte si Enrile hinggil sa usapin ng sigalot sa pinag-aagawang teritoryo na WPS.
“Hindi na ako magsalita. Makikinig lang ako sa kanya kasi siya ‘yung he was there right at the beginning,” ayon sa ipinaabot na mensahe ng Pangulo kay Enrile.
“We have respectfully invited Senator Enrile to come here kasi hindi naman ako pwedeng makalabas na mag-usap. Pakinggan natin siya,” dagdag ng Pangulo.
“So, sa kanya ako makinig kasi sa kanya ako bilib sa utak at pag-intindi nitong problema, itong ating West Philippine Sea,” ayon pa sa Punong Ehekutibo.
Sambit ng Punong Ehekutibo, may mas malalim na pang-unawa at kaalaman si Enrile sa territorial issues na nasa WPS.
Pahayag pa ng chief executive, isang karangalan ang makuha ang insights ni Enrile lalo’t nasa reputasyon ng dating senador ang pagiging intelihente at marangal na pagkatao.
Umaasa naman si Pangulong Duterte na tatanggapin ni Enrile ang imbitasyon nito.
“I hope that Senator Enrile would accept the invitation to be our guest here [on] Monday …nirerespeto ko talaga both intellectually.”
Matatandaang noong 2012, ibinulgar ni Enrile ang umano’y ginawang backdoor negotiations ni dating Senador Antonio Trillanes sa China na paghina umano sa posisyon ng Pilipinas sa pag-angkin sa Panatag o Scarborough Shoal.
Dahil dito, tinawag noon ni Enrile si Trillanes na isang “fraud” at “Phantom of the Opera in Philippine politics.”
Magugunitang pinuri rin ni Enrile ang panindigan ni Pangulong Duterte sa negosasyon nito sa China ukol sa WPS na resolbahin ang naturang hidwaan sa pamamagitan ng isang mapayapang paraan at hindi sa paggamit ng dahas.
(BASAHIN: Pagiging malapit ni Duterte sa China, nakatulong sa bansa —political expert)