INIHAYAG ng Malakanyang na malaking impluwensya rin ang Dengvaxia controversy sa mga Pilipino pagdating sa vaccination kontra COVID-19.
Tiniyak ni Presidential Spokesman Harry Roque na ligtas at epektibo ang mga bakuna laban sa coronavirus na inaprubahan ng mga regulator at ginagamit na sa ibat ibang mga bansa.
Sambit pa ng kalihim sa publiko, huwag makinig sa aniyay self “self-proclaimed experts.”
“Hindi po natin made-deny na mayroon pong influence iyan,” “Wala pong dahilan para matakot tayo sa mga ganyang bakuna,” aniya pa.
Giit ng tagapagsalita ng Palasyo, kailangang magtiwala sa mga eksperto partikular sa food and drug administration ng bansa.
“Maging kritikal pagdating sa pagtanggap ng mga impormasyon tungkol sa mga bakuna. Bigyan ng tiwala po ang ating FDA,” paalaala ni Roque.
Sinabi naman ni Dr. Lulu Bravo ng UP- Philippine General Hospital (PGH) na sana magtiwala ang publiko na mayroong National Adverse Event Following Immunization Committee ang Pilipinas na talagang mag-i-imbestiga at huhusga sa COVID vaccine.
“Hindi pare-pareho talaga ang safety and efficacy ng iba’t-ibang bakuna. Kaya kailangan ng mahabang pag-aaral at pagi-imbestiga, at iyan ang gagawin ng iba’t-ibang kumite sa ilalim ng FDA,” ayon kay Bravo.
Una rito, inanunsyo ni Health Secretary Francisco Duque III na magkakaroon ng “massive” information campaign ang DOH para hikayatin ang mga Pilipino na magpabakuna kontra COVID-19.
Sa pinakahuling resulta ng survey ng Pulse Asia, 32% lamang sa mga Pinoy ang nagsabing handa ito na maturukan ng COVID vaccine.
Matatandaang umusbong ang Dengvaxia controversy noong November 2017 nang inanunsyo ng manufacturer na Sanofi Pasteur na ang nasabing bakuna ay magdudulot ng malalang sintomas ng dengue sa mga taong hindi pa na-infect ng naturang virus bago isinagawa ang vaccination.
Itinigil naman ng Department of Health ang school-based dengue immunization program at naglatag ng rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng panel ng Asian health experts na susuri sa safety issues ng Dengvaxia vaccine.