NAKIKIPAG-ugnayan na ang Department of Education (DepEd) sa lokal na pamahalaan ng Silang, Cavite upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante ng Lucsuhin Elementary School.
Nakaabot sa DepEd ang Facebook post ni Silang Mayor Kevin Amutan Anarna kung saan makikita ang kalunos-lunos na sitwasyon ng mga estudyante.
Sabi ng DepEd, maghahanap sila ng lugar kung saan pwedeng magklase ang mga estudyante habang hindi pa tapos ang paaralan.
Ayon kay Mayor Anarna na tuwing umuulan ay nakapayong sa loob ng covered court ng Lucsuhin ang mga estudyante dahil hindi tinapos ang tatlong palapag na gusali na nagkakahalaga ng 37 milyong piso.
Ayon pa sa alkalde na nalaman nila na may gusali para sa DepEd students ang iniwan din ng contractor matapos ang nakaraang election.
Ang nakalulungkot pa aniya ay nabayaran ang contractor nang buo kahit hindi pa ito natatapos.
Hinihintay na lang ani Anarna ang opisyal na report ng Special Technical Audit Team ng Commission on Audit tungkol sa paaralan na hindi natapos pero nabayaran nang buo.