NAG-isyu ang Department of Education (DepEd) ng Amendment to Deped Order No. 030, S.2020 na naglalayon sa pagpapalawig sa huling araw ng klase mula Hunyo 11, ito ay ililipat sa Hulyo 10.
Ito ay upang matugunan ang learning gaps at magbigay ng karagdagang panahon sa mga guro para sa iba’t ibang learning delivery modalities.
Sa ilalim ng nasabing DepEd Order (DO), magsasagawa ang mga paaralan ng intervention at remediation activities base sa bukod-tanging pangangailangan ng mga mag-aaral mula Marso 1 hanggang Marso 12.
Ang intervention at remediation activities ay gagawin sa dalawang linggong home learning plan na ihahanda ng mga guro kasama ng nakatalagang learning support aides (LSAs).
Mula sa Marso 15 hanggang Marso 19, 2021, ang mga guro ay kailangan na makilahok sa professional development program sa pamamagitan ng In-Service Training (INSET) na isasaayos ng paaralan o iba pang may kaugnayan na mga yunit ng DepEd.
Itinakda naman ang Quarter 3 mula Marso 22 hanggang May 15 2021 habang ang Quarter 4 ay inilagay sa Mayo 17 hanggang Hulyo 10, 2021.
Saklaw ng nasabing DO ang lahat ng pampublikong paaralan ng elementarya at sekondarya sa buong bansa para sa SY 2020-2021.
Hinikayat naman ng DepEd ang mga pribadong paaralan, technical and vocational institutions, at higher education institutions kasama ang state and local universities and colleges na nag-aalok ng K to 12 Basic Education Program na ipatupad ang nasabing guidelines.