21 na mga Chinese national ang ipinadeport ng Department of Justice (DOJ) nitong November 2, araw ng Miyerkules.
Ito ang pangalawang batch ng mga illegal Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) Workers na idineport ng ahensya.
Ayon kay Justice Sec. Jesus Crispin Remulla, self-deportation pa rin ang nangyari kung saan ang mga Chinese national na ito ang gumastos para sa kanilang biyahe palabas ng bansa.
Matatandaan na noong October 19, nang unang simulan ng DOJ at ng Bureau of Immigration ang pagpapadeport sa mga illegal POGO Workers.
Sa unang batch, anim na mga Chinese national ang nadeport sa pamamagitan ng self-deportation.
Ayon sa DOJ, ang tuluy-tuloy na operasyon para sa deportasyon sa mga ito ay alinsunod sa polisiya ng gobyerno na mapatumba ang mga POGO operators na illegal na nag-ooperate sa bansa.
Wala na aniyang pakinabang na nakukuha ang gobyerno sa mga illegal na POGO at ito pa ang pinagmumulan ng mga criminal activities sa bansa ayon sa DOJ.
“The continuous deportation operation is poised to implement the government’s policy to crackdown on the illegally operating POGO companies who no longer give any benefit to the government and who instead have been the source of criminal activities,” ayon sa DOJ.
Sinabi rin ng ahensya na dahil sa kanilang pinaigting na laban kontra illegal POGO ay bumababa ang mga krimeng naireport na may kinalaman sa POGO Industry.
Sa kabila nito ayon sa DOJ, hindi sila magpapakampante at magpapatuloy ang kanilang operasyon hanggang sa tuluyang matapos ang laban nila sa mga illegal POGO companies.
“Following the intensified deportation operation of illegal POGO workers, we have seen a decrease reported crimes related to the POGO Industry,” dagdag pa ng DOJ.
“Even so, the Department of Justice will not be complacent. We will remain consistent and focused on our aim to end the illegal POGO Industry,” pahayag ng DOJ.
Sa isang mensahe, sinabi ni Remulla na marami pa silang ipadedeport.
Sa ngayon ay aayusin pa aniya ang schedule ng susunod na batch na ipadedeport ng ahensya.