Deportasyon ng 3 Korean fugitive, hiniling sa DOJ

Deportasyon ng 3 Korean fugitive, hiniling sa DOJ

NAG-courtesy call kamakailan kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla si Korean Ambassador Kim Inchul kung saan napag-usapan ang deportasyon ng tatlong Korean fugitives na nakakulong sa bansa.

Humiling na rin ang South Korea Government sa Department of Justice (DOJ) para sa deportasyon ng kanilang tatlong Korean nationals fugitives na kasalukuyang nakadetine sa bansa.

Araw ng Miyerkules nang mag-courtesy call si Korean Ambassador Kim Inchul kay Justice Sec. Jesus Crispin Remulla.

Sa pahayag ni DOJ spokesperson Mico Clavano, sinabi nito na napag-usapan ng dalawa ang patungkol sa deportasyon kung saan ang official request para sa mga Koreano ay naisumite na ng consul general.

“They then spoke about the request by the Korean government to likewise have three Korean nationals deported back to South Korea. The official request, Ambassador mentioned, was already sent by his consul-general,” saad ni Atty. Mico Clavano, DOJ spokesperson.

Nangako naman si Remulla na agad na titingnan ang request para sa deportasyon ng mga ito ayon kay Clavano.

“Secretary Remulla assured Ambassador Inchul that he would look into the request immediately and assist if ever the request warranted swift action,” dagdag nito.

Matatandaan na noong nakaraang mga linggo apat na Japanese nationals ang pinadeport ng DOJ base sa hiling ng Japanese Embassy.

Pinuri at pinasalamatan naman ni Japanese Ambassador Koshikawa Kazuhiko ang mabilis na kooperasyon ng PH Government sa deportasyon.

Ang apat na Japanese fugitives na naipadeport ay sinasabing mastermind ng mga iligal na aktibidad sa Japan gaya ng robbery at theft.

Sinasabing kahit sila ay nakakulong noon sa Pilipinas ay nakakapag-operate pa rin ito sa Japan sa pamamagitan ng paggamit ng mga cellphone at gadgets sa loob ng detention facilities.

Kasalukuyan namang iniimbestigahan ng Bureau of Immigration (BI) kung papaano nakapasok sa kanilang pasilidad ang mga naturang kontrabando at maging ang mga BI officers na maaring kasabwat ng mga pugante.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter