Desisyon ng Ombudsman sa suspensiyon kay ERC Chair Monalisa Dimalanta, dapat respetuhin─ERC OIC

Desisyon ng Ombudsman sa suspensiyon kay ERC Chair Monalisa Dimalanta, dapat respetuhin─ERC OIC

ITINALAGA si Atty. Jesse Hermogenes Andres bilang Officer-in-Charge (OIC) ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Siya ay pansamantalang hahalili kay ERC Chairperson at CEO Monalisa Dimalanta na sinuspinde ng Office of the Ombudsman sa loob ng anim na buwan.

Sa isang public briefing, sinabi ni Andres na sa kaniyang parte naman, ay tiniyak niyang tuluy-tuloy ang serbisyo at trabaho sa Energy Regulatory Commission (ERC).

“Kung sa pagkaalam po, sa pagsisiyasat po ng Ombudsman ay mayroon pong dahilan para ituloy ang suspension or hindi – respetuhin po natin iyan. Pero, habang pong ako ay nakatalaga dito, hindi po ako magdadalawang-isip na gawin ang tama. At we cannot wait for things to happen,” pahayag ni USec. Jesse Hermogenes Andres, OIC, Energy Regulatory Commission.

Ibinahagi naman ni Andres na una niyang napansin sa ERC na marami pang pending na mga aplikasyon na hindi pa naaaksiyunan.

Kaya, nag-iisip sila ngayon ng mga paraan upang lalong mapaigting ang mga proseso at mapabilis ang apruba ng lahat ng mga nakabinbin na aplikasyon sa ERC.

Importante kasi aniya na magkaroon ng kompetisyon.

Mga proseso kung paano mas mabilis na maaprubahan ang power supply agreements, rerebyuhin—ERC OIC

Sambit ng opisyal, kung mas marami ang lumalahok sa energy sector, mas maganda rin ang takbo ng enerhiya dahil sa kompetisyon.

Binigyang-diin pa nito na kapag mas marami ang competitors, maganda ang supply ng enerhiya; at ‘pag maganda ang supply, bababa aniya ang presyo ng kuryente.

Kaya naman, rerebyuhin nila ang mga proseso para mas madali na maaprubahan ang power supply agreements.

“Pero, paano po papasok ang mga players dito sa energy sector kung kulang po ang approval/mabagal po ang approval ng mga applications nila? At iyan po ang unang-una nating gagawin – rerebyuhin natin ang mga proseso kung paano mas mabilis na maaprubahan itong mga power supply agreements, iyong mga CapEx additionals,” wika ni USec. Jesse Hermogenes Andres, OIC, Energy Regulatory Commission.

Ngayon, ani Andres, nakahanap sila ng magandang solusyon matapos pulungin ang mga commissioner -sabay ipinaiintindi sa mga ito ang importanteng tungkulin ng ERC.

Plano naman ni Andres na makipagpulong din sa stakeholders para sa policy making nang sa gayon hindi naiiwan ang mga interes ng mga taong may adbokasiya tungkol sa enerhiya.

“At darating po tayo sa panahon na iyan very soon where I will have a chance to engage with you and I will assure everyone of a level playing field and a fair administration of energy regulations,” dagdag ni Andres.

Matatandaang ipinag-utos ng Office of the Ombudsman ang preventive suspension ni ERC Chair Dimalanta bunsod ng reklamong inihain ng National Association of Electricity Consumers for Reforms Inc. (Nasecore).

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble