Desisyong isali sa PH Development Plan ang layong palakasin ang aksyon ukol sa climate change, pinuri

Desisyong isali sa PH Development Plan ang layong palakasin ang aksyon ukol sa climate change, pinuri

PINURI ni Climate Change Commission (CCC) Vice Chair and Executive Director Robert Borje ang desisyong isali sa Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028 ang layuning palakasin ang aksyon ng gobyerno patungkol sa climate change.

Partikular na tinukoy ni Borje ang pagdaragdag ng isang buong chapter sa climate change sa PDP 2023-2028, ito ang “Chapter 15: Accelerate climate action and strengthen disaster resilience.”

Aniya, ang PDP Chapter 15 ay sumasalamin sa pangako ng pamahalaang Pilipinas na pahusayin ang pangkalahatang katatagan ng bansa sa pagbabago ng klima at mga epekto nito.

Dagdag pa ni Borje, sumasalamin din ito sa dedikasyon ng administrasyon na maging climate change resilient ang Pilipinas.

Magbibigay-daan din aniya ito sa transisyon tungo sa low-carbon economy.

Tinukoy ng naturang kabanata ang layunin para sa komunidad, mga institusyon at natural at built environment, na maging mas matatag mula sa mga impact na dala ng natural hazards at climate change pagsapit ng 2028.

Mababatid na mayroong kabuoang Php453.1 billion ang nakalaang alokasyon para sa climate change expenditure ng national government institutions, na gagamitin para sa adaptation at mitigation programs.

Inilalahad ng PDP ang 6-year vision ng Marcos administration tungo sa isang upper middle-income at low-carbon development, at climate-smart at climate-resilient na Pilipinas.

Ang PDP ay dinevelop ng National Economic and Development Authority (NEDA), kasama ang iba pang government agencies at stakeholders.

Follow SMNI NEWS in Twitter