NEGATIBO pa rin sa anumang banta ng destabilization plot o sa seguridad kay Pangulong Bongbong Marcos para sa ika-tatlong State of the Nation Address (SONA) nito ngayong araw ng Lunes, Hulyo 22, 2024.
Ito ang kinumpirma ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil sa katatapos lang na inspeksiyon nito sa mga nakapuwestong pulis sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Quezon City.
Ani Marbil, wala pa silang natatanggap na anumang plano para sirain at guluhin at hindi matuloy ang SONA ng pangulo.
“We don’t see any threat na malaki. But definitely we consider non-threat kasi ‘pag walang threat nagri-relax eh. But we don’t see any threat na ‘di matutuloy ang SONA,” saad ni Gen. Rommel Francisco Marbil, Chief, PNP.
Mga mananakit sa pulis, binalaan ni Gen. Marbil
Samantala, nagbabala rin ang pulisya sa mga mananakit sa kanila ng anti-government groups – sa kabila ng ipatutupad nilang maximum tolerance.
“Ayoko nang may nasasaktan na pulis. We allowed maximum tolerance pero ‘pag may masaktan na pulis hindi kami papayag. We make arrest.”
“Kahit nga kami nakakasakit, kinukulong niyo kami.”
“’Pag nakasakit kami u file vs us not only criminal but human rights. And we also file cases against these people,” ani Marbil.
Sa kabilang banda, muling iginiit ni Marbil ang pagbabawal ng pagsusunog ng effigy sa gitna ng mga isasagawang demonstrasyon sa mga pangunahing lugar sa QC kasabay ng SONA ni Marcos Jr.
PNP, hinihingan ng pahayag kaugnay sa video ni PBBM na gumagamit diumano ng ilegal na droga
Sa iba pang balita, agad na kinukuhanan ng pahayag ang PNP kasunod ng paglabas ng “pulvoron video” ni Marcos Jr. sa social media
Ang naturang video ay una nang lumabas sa social media account ng kilalang political vlogger na si Maharlika kung saan kitang-kita si Pangulong Bongbong Marcos na gumagamit ng diumano’y ipinagbabawal na gamot.
Sa ngayon, wala pang makuhang pahayag mula sa PNP ukol sa isyu.