MAHIGPIT na mino-monitor ng gobyerno ng Pilipinas ang mga kaganapan sa Taiwan kasunod ng sorpresang pagbisita ni US House Speaker Nancy Pelosi doon.
Maging ng Department of Foreign Affairs (DFA) ay nakatutok na rin sa tensyon sa pagitan ng Taiwan at Mainland China.
Inihayag ni DFA Spokesperson Maria Teresita Daza na mahalagang matiyak sa pagitan ng US at China na nagpapatuloy ang komunikasyon upang maiwasan ang anumang “miscalculation” na maaaring magdulot ng lalo pang pagtindi ng tensyon.
Tiwala rin ang DFA na magiging responsable ang Tsina at US sa rehiyon.
“The PH is closely monitoring developments in this regard. It is important for the U.S. and China to ensure continuing communication to avoid any miscalculation and further escalation of tensions. We trust that China and the United States will be responsible actors in the region,” pahayag ni Daza.
Sa harap ito ng babala ng White House hinggil sa plano ng China na military provocations sa Taiwan Straits bilang pagtutol sa pagbisita ni Pelosi sa Taiwan.
Samantala, kinumpirma ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian na mahigpit na tinututulan ng China ang pagbisita sa Taiwan region ni Speaker Pelosi ng United States House of Representatives.
Ipinunto ni Ambassador Huang na mahigpit na tinututulan ng China ang anumang opisyal na pagpapalitan o pagbisita sa pagitan ng US at Taiwan sa rehiyon ng China.
Giit din ni Huang, ang Taiwan ay hindi maiaalis na bahagi ng teritoryo ng China.
Ang pamahalaan ng People’s Republic of China ay ang tanging legal na pamahalaan na kumakatawan sa buong China.
Aniya kung ipipilit ni Speaker Pelosi na bumisita sa rehiyon ng Taiwan at binalewala ang matinding pagtutol ng China sa kanyang pagbisita ito ay tunay na lalabag sa prinsipyo ng One-China at ang mga itinatakda sa tatlong magkasanib na komunikasyong Sino-U.S.
Ang prinsipyong One-China ay isang internasyunal na pinagkasunduan at kinikilala ng lahat na pangunahing pamantayan na namamahala sa international relations.
Ito rin ang pampulitikang pundasyon ng diplomatikong relasyon sa pagitan ng China at 181 bansa sa mundo kabilang ang U.S. at Pilipinas.