DICT Sec. Uy sa pag-usbong ng AI: May mawawalan ng trabaho

DICT Sec. Uy sa pag-usbong ng AI: May mawawalan ng trabaho

NAGHAYAG ng pagkaalarma si Information and Communications Secretary Ivan Uy sa pag-usbong ng artificial intelligence (AI).

Sa isang press briefing sa Quezon City, kasabay ng paglulunsad ng e-government app, inihayag ng kalihim na hindi inaasahan ninuman sa buong mundo ang bilis ng pag-unlad ng nasabing teknolohiya.

Babala ni Sec. Uy, may mga mawawalan ng trabaho kung hindi agad maka-adopt dito.

“May mga mawawalan ng trabaho pero may mga walang trabaho na magkakaroon ng trabaho. So importante jan is we have to train our people. We have to reskill them, retool them. So that we would become adept in utilizing AI as a tool rather than being a slave to AI,” ayon kay Sec. Ivan Uy, DICT.

Sa Senado, isang resolusyon ang inihain si Senator Imee Marcos para busisiin ang paggamit ng AI at ang posibleng pag-eechapwera sa mga manggagawa sa services and manufacturing sector.

Ikinababahala ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development, sa napipintong pagkawala ng mga trabaho partikular na sa business process outsourcing (BPO) at mga orihinal na equipment manufacturing (OEM) na kompanya dahil sa AI.

Sa Senate Resolution No. 591  isinasaad dito ang nakababahalang prediksiyon na tinatayang nasa 1.1 milyong mga trabaho sa Pilipinas ang malulusaw o mawawala pagsapit ng 2028 batay pag-aaral ng Oxford Economics at U.S. based digital technology company na Cisco.

Ayon kay Sec. Uy, ang posibilidad na may mga mawawalan ng trabaho dahil sa AI ay natural lamang.

 “That’s a natural course of things eh. Everytime there is a new technology, ‘yung mga hindi nag adopt sa technology, yan yung mga mawawala,” ayon pa kay Sec. Uy.

Bukod sa mga mawawalan ng trabaho, ikinababahala rin ng kalihim ang posibilidad na uusbong ang magkahalong robotics at AI technology.

Paliwanag ni Uy, bagamat matalino ang AI ay wala itong nararamdamang emosyon at sinusunod lamang nito kung ano ang nakaprograma sa kanya di gaya ng tao na kinokonsodera din ang epekto ng kaniyang trabaho sa kaniyang kapwa tao.

“You know AI is emotionless. It does not adhere to morality or ethics. It is pure logic and intelligence. And that is a cause of concern,” aniya.

Kaugnay nito ay inihayag ng kalihim na pabor siyang iregulate o kontrolin ang paggamit ng AI sa bansa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter