DILG at PNP pinaiimbestigahan ang umano’y panggigipit sa kaanak ng onion farmers

DILG at PNP pinaiimbestigahan ang umano’y panggigipit sa kaanak ng onion farmers

PINAIIMBESTIGAHAN at pinagsusumite ng report ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” C. Abalos Jr. sa DILG Region 1 at Provincial Office ng DILG sa Pangasinan.

Kaugnay ito sa sinasabing pakikipag-ugnayan at panggigipit umano ng Bayambang Municipal Police Station sa isang saksi sa Senate hearing dahil sa isyu ng mga magsasaka ng sibuyas.

Bukod sa DILG, nagsasagawa rin ng sariling imbestigasyon sa insidente sa pangunguna ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr.

Paalala ni Abalos, kailangang sundin ang rule of law at ang mga established protocols upang maiwasan ang anumang pangamba sa mga residente.

Aniya, agad magbibigay ng update ang DILG sa resulta ng isasagawang imbestigasyon.

Kasabay nito ang paglilinaw ng DILG sa mataas nilang pagrespeto sa mga magasaka dahil sa malaking papel na ginagampanan ng mga ito sa bansa.

“Mataas ang respeto namin sa mga magsasaka dahil mahalaga ang papel na ginagampanan nila sa seguridad ng pagkain at maayos na nutrisyon ng ating bansa,” pahayag ni Sec. Benhur Abalos Jr., DILG

Sa huli, tiniyak ng ahensiya na kaisa sila ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagprotekta at pagsusulong sa adhikain at kapakanan ng mga magsasaka sa bansa partikular na sa mga programang magpapaunlad sa sektor ng agrikultura sa bansa.

“Kaya asahan ninyo na kaisa ninyo ang DILG sa adhikain ng ating Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. para sa sektor ng agrikultura, kasama na ang pagtutok sa mga programang ikauunlad at aalalay sa mga magsasaka,” ani Sec. Abalos.

Matatandaang, sa kanyang Facebook page, pinabulaanan mismo ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang ulat na nagpakamatay umano ang 5 onion farmers dahil sa labis na pagkalugi sa gitna ng mataas na presyo ng mga sibuyas.

“Walang katotohanan ang kumakalat na balita tungkol sa limang magsasakang nag-suicide sa bayan ng Bayambang dahil sa pagtaas ng presyo ng sibuyas,” ayon kay Mayor Niña Jose-Quiambao, Bayambang, Pangasinan.

Ayon pa sa report ng kanilang Rural Health Unit at Bayambang Municipal Police Station, walang naitalang kaso ng pagpapakamatay na nauugnay sa mataas na presyo ng sibuyas ngayong taon.

Ipinaliwanag ng alkalde na ang tinutukoy sa mga balita ay ang kaso ng isang magsasaka na nagpakamatay noong Enero 2021 dahil sa armyworms infestation at hindi dahil sa anumang nauugnay sa presyo ng sibuyas.

Nilinaw rin ng LGU-Bayambang na walang harassment sa mga residente habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Follow SMNI NEWS in Twitter