PINATUTUGUNAN ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga local government units ang 1.4 milyong backlog sa VaxCertPH digital registration.
Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos, hanggang September 22, ang Vaccination Information Management System (VIMS), ang official central database ng VaxCertPH ay may backlog na kabuuang 1,460,582 vaccination records ng mga mamamayan.
Sa nasabing bilang, 334,317 aniya dito ay dahil sa nawawalang records, 308,386 ang hindi narecord dahil sa kakulangan ng manpower; 243,300 ay dahil sa late submission; 122,897 ay dahil sa incomplete data; 109,806 ay dahil sa nawawalang data fields; 94,575 ay dahil sa operational at procedural issues at 75,831 ay dahil sa mga isyu sa internet connections.
Sinabi ni Abalos na batay sa Department of Information and Communications Technology (DICT), ang kakulangan ng manpower sa encoding, problema sa internet connection, nawawala at maling data at records maging ang kakulangan ng pagtugon mula sa LGUs ang pangunahing mga dahilan ng nasabing backlog.
Iginiit ng kalihim na dapat tiyakin ng LGUs na updated ang digital records ng kanilang nabakunahang mga residente.