DILG sa mga magwawagi sa BSKE: Tutukan ang problema ng ilegal na droga

DILG sa mga magwawagi sa BSKE: Tutukan ang problema ng ilegal na droga

BILIN ngayon ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga mananalo sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na tutukan ang problema ng ilegal na droga.

Lalo na ang pagpaparami ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC).

“Una ho, ‘yung drugs. Lalong-lalo na sa Metro Manila. Dapat po, palakasin ang BADAC,” saad ni Usec. Chito Valmocina, DILG.

Kabilang sa tungkulin ng BADAC ang kilalanin ang mga lugar sa barangay kung saan laganap ang ilegal na droga.

Kasama na rito ang pagtitiyak na handa ang mga Barangay Tanod at BADAC Auxiliary Team na rumesponde sa mga operasyon.

Pinatutukan din ng DILG ang mahigpit na ugnayan ng barangay sa mga ahensiya ng pamahalaan na nakatutok sa problema ng ipinagbabawal na gamot.

“Kasi pag ‘yan po ay na-organize natin na maganda ‘yung samahan ng barangay, pulisya at PDEA laban sa droga ay doon po magiging effective ang kampanya,” dagdag ni Valmocina.

Inaatasan din ng DILG ang pagpapalakas ng intel gathering sa barangay para sa whole-of-nation approach ng kampanya.

“Sabi ko nga, palakasin natin ‘yung barangay network information natin. Mag-organize tayo noong matuturuan ng PDEA at pulis kung paano ba ‘yung pag-gather ng information sa kanilang barangay. Kailangan po kasi medyo accurate ang magiging report para ‘yun ang magiging basehan kung ang isang kababayan mo sa barangay ay suspect sa pagiging user, pusher o drug lord,” aniya.

Bloodless anti-drug campaign ang istilo ngayon ng Marcos administration.

Katunayan, hindi bababa sa 4.4 na tonelada o katumbas ng P30-B na halaga ng illegal drugs ang nahuli ng pamahalaan.

Umaasa naman ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na gagamitan ng kamay na bakal ng pamahalaan ang mga sindikato ng ilegal na droga.

“Ang tingin namin, hindi kamukha dati talaga eh na may fear, may takot. Ngayon nakita natin they were again able to reclaim the streets of the nation sa illegal drugs distribution,” wika ni Arsenio ‘Boy’ Evangelista, President, VACC.

Follow SMNI NEWS on Twitter