DILG Secretary Eduardo Año, handang maging parte ng gabinete ni PBBM pagkatapos ng kanyang bakasyon

DILG Secretary Eduardo Año, handang maging parte ng gabinete ni PBBM pagkatapos ng kanyang bakasyon

ISANG linggo na lang ay magtatapos na ang termino ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte at kasabay nito ang pagbaba sa puwesto ng ilan sa cabinet officials nito.

Kabilang sa mga opisyal na bababa sa puwesto si Department of Internal and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año.

At sa mga nalalabing araw ng kalihim sa kanyang opisina, tuloy pa rin at walang sinasayang na oras para magtrabaho.

Ngayong araw ay pinangunahan nito ang seremonya sa naging kontribusyon ng National Emergency 911 sa ilalim ng Duterte administration.

Nang tanungin naman ito sa kanyang plano pagkatapos ng kanyang termino, nanindigan siya na isasantabi muna nito ang trabaho o anumang alok para makasama nang matagal ang kanyang pamilya at makapagpahinga.

Pero, pabiro din namang nagpahayag ang kalihim ng interes sa muling pagpasok sa pamahalaan kung may tsansa naman aniya na muling makapaglingkod sa ilalim ng papasok na administrasyon.

Naniniwala ang kalihim na sa ilalim ng kanyang liderato, nakita nito ang mabilis na pakikipag-ugnayan ng publiko sa pamahalaan kung kaya’t agad ring natutugunan ang iba’t ibang sitwasyon na may kaugnayan sa seguridad at kaunlaran ng bansa.

Sa ilalim lang din aniya ng Duterte administration nakita nito ang kooperasyon ng lahat ng lokal na pamahalaan upang sugpuin ang masasamang impluwensiya sa aspeto ng korupsiyon, kriminalidad at iligal na droga.

Follow SMNI News on Twitter