MATAPOS mapaulat ang pagpaslang sa broadcaster na si Percy Lapid, tiniyak ng gobyerno na gumagawa ito ng hakbang para sa kaligtasan at seguridad ng mga mamamahayag sa bansa.
Ayon kay Interior Secretary Benhur Abalos, malaki ang papel na ginagampanan ng isang mamamahayag sa bansa lalo sa pagpapakalat ng mga importanteng impormasyon sa publiko.
Kaugnay nito, tiniyak ng ahensiya na hindi nila pababayaan ang mga nasa industriya ng pamamahayag at kahit sinumang indibidwal na nagtatrabaho para sa kapakanan ng bayan.
“The Department stands by its mandate of protecting the Filipino people towards a more peaceful and orderly Philippines including the hard-working media practitioners across the country who have been partners of the government in information dissemination and most importantly, in serving as watchdogs for the benefit of the public,” pahayag ni Abalos.
Sa ngayon, agad na pinakikilos ng pamahalaan ang Philippine National Police (PNP) kasama na ang Special Investigation Task Group Lapid sa agarang pagkakaaresto at pagpapakulong sa mga taong nasa likod ng pamamaslang.
Samantala, mismong si Presidential Task Force for Media Security Usec. Joel Egco ay nagpahayag ng pagkondena sa sinumang nasa likod ng pamamaslang kay Percy Lapid na matagal na nitong kakilala.
Pinagbabaril si Lapid nitong Lunes ng hindi pa nakikilalang riding in tandem malapit sa tinitirhan nito sa Las Piñas City.
Ayon kay Egco, ikinalulungkot nito ang pangyayari dahil sa napakahabang panahon aniya, ngayon lang ulit nagkaroon ng insidente ng pagpatay sa isang miyembro ng pamamahayag sa Metro Manila.
Ayon naman sa opisyal, nakahanda silang tutukan ang kasong ito hangga’t hindi nahuhuli ang nasa likod ng naturang pamamaril.