KINUMPIRMA ni Department of Migrant Workers Officer in-Charge Hans Leo Cacdac sa pulong balitaan araw ng Huwebes na nasa 22 na mga overseas Filipino worker (OFW) kabilang na ang 19 na caregivers at tatlong hotel workers ang nagpahayag na nais nang umuwi sa Pilipinas.
Aniya kusang loob ang desisyon ng repatriation sa kanila.
Tiniyak din ni Cacdac ang pagpapauwi sa dalawang kumpirmadong nasawi na mga Pinoy sa pag-atake ng grupong Hamas.
Kailangan lamang aniya makakuha ng clearance mula sa mga awtoridad ng Israel ang pagpapauwi sa mga labi ng dalawang Pinoy.
Bukod pa rito may tatlo pang Pilipino na unaccounted for o mga nawawala na hindi makontak kahit sa kanilang mobile phone at social media account.
Gayunpaman may mga Pilipino rin na nasagip ng Israel Defence ang nailagay na sa ligtas na lugar kung saan binibisita ng mga tauhan ng DFA at DMW para umasiste sa kanila.
Kinumpirma rin ng DMW ang anunsiyo ng Department of Foreign Affairs na itinaas na sa Alert Level 3 ang sitwasyon sa Gaza.
Samantala, tiniyak din ni Cacdac na tutulungan ng DMW ang OFWS na stranded sa Pilipinas at hindi pa makalipad ng Israel.
Sa ngayon kasi limitado lamang ang flights na pinapapasok sa Israel.