Inagurasyon ng Unilever factory, bunga ng investment pledges sa foreign trips ni PBBM

Inagurasyon ng Unilever factory, bunga ng investment pledges sa foreign trips ni PBBM

TULUY-tuloy ang pagbunga ng mga foreign trip ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Ito ay kasunod ng inagurasyon ng Beauty & Wellbeing and Personal Care (BWPC) factory ng Unilever sa Gateway Business Park, General Trias City, Cavite nitong Biyernes.

Pinangunahan ni Pangulong Marcos ang nasabing event kasama sina Department of Trade and Industry (DTI) Sec. Alfredo Pascual, Cavite Gov. Juanito “Jonvic” Remulla Jr., Unilever Chairman and CEO Benjie Yap at iba pang opisyal ng pamahalaan.

Sa kaniyang mensahe, sinabi ni Pangulong Marcos na ang bagong pasilidad ay bahagi ng naging bunga ng foreign trips nito partikular sa Belgium sa ginanap na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-European Union (EU) Summit noong December 2022.

Sa naturang summit, naunang iprinisenta ng key officials ng naturang multinational company kay Pangulong Marcos ang P4.7-B investment sa pabrika ng Beauty & Wellbeing and Personal Care (BWPC).

“I would like to note that this major investment is amongst the pledges that we received during our trip to Belgium for the ASEAN-EU Summit last December,” ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

PBBM: 5K direct at indirect job opportunities, mabubuo kasunod ng inagurasyon ng bagong Unilever factory

Binigyang-diin din ni Pangulong Marcos, na ang pagpapatibay ng ugnayan sa pagitan ng gobyerno at pribadong sektor ay lilikha rin ng mga trabaho at magagandang oportunidad para sa mamamayang Pilipino.

Sa pagpapatayo ng naturang planta, ani Pangulong Marcos, inaasahang makalilikha ito ng 5,000 direct at indirect job opportunities sa bansa.

 “It is also worth mentioning that this plant is one of Unilever’s largest personal care facilities in the world and is expected to generate over 5,000 direct and indirect employment opportunities for our countrymen,” saad pa ng Pangulo.

Pinasalamatan naman ni Pangulong Marcos ang Unilever sa kanilang patuloy na pagtitiwala at kumpiyansa sa Pilipinas at sa talento ng mga Pilipino.

Sa inagurasyon ng Beauty & Wellbeing and Personal Care (BWPC), inihayag ni Pangulong Marcos, na ang Pilipinas ay gumagawa na ngayon ng hakbang palapit sa collective vision ng sambayanang Pilipino sa isang empowered, sustainable at mas progresibong bagong Pilipinas.

“To see this project come to fruition after just several months is not only encouraging, it also inspires me and the rest of the government to work even harder for the Filipino people,” ayon pa kay Pangulong Marcos.

Pinasalamatan ng Pangulo ang Unilever Philippines para sa pagtatayo ng high-technology at sustainability-driven manufacturing facility nito para sa mga personal care product.

Binigyang-diin ng Punong Ehekutibo na ito ay isang pinagsamang pagsisikap sa pagitan ng gobyerno at pribadong sektor sa pagpapalakas ng manufacturing industry ng bansa.

“It is very important that this serve also as a vote of confidence, not only for Unilever, but also a vote of confidence for other investors who would like to come in when such an important facility such as this has been put up still here in the Philippines. I’m sure it will help to encourage other groups to come in and do the same,” ayon pa kay Pangulong Marcos.

Sa kabilang dako, sinabi naman ni Benjie Yap, ang Chairman & CEO ng Unilever Philippines, na napanatili ng kumpanya ang higit sa 90% ng kabuuang manufacturing base nito sa Pilipinas at nag-export ng mga produktong gawa ng Pilipinas sa maraming bansa sa buong mundo.

Bago naghatid ng kaniyang mensahe, nag-ikot at nag-inspeksiyon si Pangulong Marcos sa world-class site na factory na gumagamit ng specialized technologies upang makagawa ng beauty at personal care products.

Ang bagong planta ay tutugon sa parehong domestic at export demands ng mga produkto nito na may target na halos 90,000 tonelada ng iba’t ibang personal care products para sa buhok at balat na imamanupaktura at ipamamahagi taon-taon.

Sa pagbubukas ng Beauty, Wellbeing, and Personal Care (BWPS) Factory ng Unilever ngayong araw, sinabi ni Pangulong Marcos na matutupad na ang pangakong oportunidad na dala ng isa sa mga natanggap na investment pledges.

Nilalayon ng nasabing Multinational Consumer Goods Company na gawing global hub ang Pilipinas para sa sustainability, na nag-aambag sa competitiveness ng manufacturing sector ng bansa na may highly-advanced technologies.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter