MULING nagbabala ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga Pilipino na inaalokan ng pekeng trabaho ng ilang travel consultancy firm.
Ito’y matapos sa panibago na namang operasyon ng pagsasara ang isinagawa ng DMW sa isang travel consultancy firm na nag-aalok ng pekeng trabaho abroad.
Iniutos ni DMW Secretary Susan Toots Ople ang pagsasara ng isang travel consultancy firm na nag-aalok ng mga pekeng trabaho sa Poland.
Ipinasara ng kalihim ang IDPLumen Travel Consultancy Services noong Martes na naniningil ng aabot sa P122, 000 mula sa mga aplikante.
Sabay-sabay ang isinagawang operasyon ng pagsasara sa main office ng kumpanya sa San Fernando, Pampanga at mga tanggapan nito sa Santiago City, Isabela at Tabuk City, Kalinga.
Ang mga operasyon ay isinagawa ng Anti-Illegal Recruitment Branch (AIRB) ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan at mga yunit ng pulisya sa kani-kanilang mga lungsod.
Sa surveillance operations na isinagawa ng AIRB isiniwalat nito na ang IDPLumen, na nagkukunwaring isang travel consultancy firm, ay nag-alok ng trabaho sa Poland para sa mga truck driver, welder, at factory worker na may buwanang suweldo mula P35,000 – P124,000.
Ang huwad na kumpanya ay walang lisensya mula sa POEA para mag-operate bilang recruitment agency at wala rin itong validated overseas job orders.
Ayon kay Ople, sasampahan ng kasong illegal recruitment ang IDPLumen.
Hinihimok din ni DMW chief ang mga biktima ng ahensya na makipag-ugnayan sa DMW upang sila ay matulungan sa pagsasampa ng mga kaso laban sa ahensiya.
Nagbabala rin ang kalihim na wag magpapadala sa mga ganitong uri ng transaksyon.
“Please do not transact with travel consultancy firms offering jobs abroad. Illegal recruitment ‘yan. May naghihintay na one-way ticket sa kulungan ang mga nagpapatakbo ng ganyan,” pahayag ni Ople.
Kasunod ng pagsasara ang IDPLumen at mga staff nito ay kabilang na ito sa “List of Persons and Establishments with Derogatory Record.”
Ibig sabihin bukod sa kasong kahaharapin nito, hindi na maaring makilahok sa overseas recruitment program ng gobyerno ang kumpanya.