HINDI tatantanan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga natitirang communist terrorist group (CTG).
Kasabay ng kaniyang pagpapaabot ng pakikiramay sa pamilya ng nasawing sundalo sa nangyaring engkuwentro nito laban sa CPP-NPA sa Batangas.
Tiniyak ni Defense Secretary Gilbert Teodoro, Jr. ang walang tigil na military operations laban sa mga natitira pang miyembro ng CPP-NPA-NDF sa bansa.
Kasunod ito ng naganap na bakbakan sa pagitan ng CPP-NPA sa Brgy. Malalay, Balayan, Batangas nitong Linggo ng madaling araw.
Ayon sa report ng PNP Area Police Command-Southern Luzon (APC) isang combat operation ang isinagawa ng mga tropa ng pamahalaan mula 59th Infantry Battalion ng Army kasama ang mga tauhan mula sa Philippine Navy at Philippine Air Force, nang makasagupa ng mga ito ang humigit-kumulang sa 14 mga armadong kalalakihan na hinihinalang mga miyembro ng NPA mula sa SPP KAWING ng Southern Tagalog Regional Party Committee’s Sub-Regional Military Area 4C.
Anim na miyembro ng New People’s Army (NPA) at isang sundalo ang nasawi matapos ang engkuwentro.