NAGHARAP ang Department of Justice (DOJ) at ang Commission on Elections (COMELEC) para sa isang case conference para pag-usapan ang mga akusayson laban kay suspended Bamban Mayor Alice Guo na una nang nahaharap sa reklamong human trafficking sa DOJ at alegasyon na nagsinungaling ito sa kaniyang citizenship base sa mga napag-usapan sa Senate investigation.
Una nang sinabi ng COMELEC na maaring masampahan ng reklamong misrepresentation si Guo kung nagsinungaling ito sa kaniyang deklarasyon na isa siyang Filipino sa kaniyang kandidatura.
Nagsimula na ang komisyon sa kanilang sariling fact finding investigation kung saan hiningi nito sa NBI ang fingerprint sample ni Guo upang maikumpara sa hawak ng komisyon sa COC at kopya ng finile na voter registration ni Guo.
Una nang sinabi ng NBI, na ang Chinese national na si Guo Hwa Ping at si Alice Guo ay iisa batay sa kanilang fingerprint examination.
Ang paghaharap ng DOJ at COMELEC ay para makakuha ang komisyon ng mga impormasyon na makakatulong sa kanilang ginagawang imbestigasyon laban kay Guo.
“Bumubuo kami ng matibay na kaso patungkol kay Mayor Guo, ito ay ang piskalya ng Maynila pagkatapos ang COMELEC. Marapat na mapagharap ang piskalya at aming law dept. Di ba nga inatasan natin ang law dept. na magsagawa ng fact finding investigation at magbigay ng rekomendasyon sa COMELEC en banc. Inaasahan natin ang pagpapatibay ng fact finding investigation, pagsashare ng mga valuable information saka dokumento nila na hawak nila at hawak namin. Nagshare na sa amin ang NBI, ngayon naman ang DOJ hopefully later magsulat na rin tayo sa Sol Gen. Hopefully makapagshare din ang Office of the SolGen,” ayon kay Atty. George Garcia, Chairman, COMELEC.
Inaasahan ng COMELEC na lalabas na sa susunod na linggo ang resulta ng kanilang finger analysis laban kay Guo, maging ang resulta ng kanilang fact finding investigation.
“Hopefully po, ngayong linggo matatapos ‘yan baka po early next week, lalabas na po ang finger analysis pero ang gusto namin hindi lang analysis kundi makumpleto na yong mismong fact finding investigation kasi 2 linggo lang naman ang binigay natin para tapusin ang imbestigasyon,” ani Garcia.
Sa kabila into, tiniyak ng COMELEC na sa kanilang imbestigasyon ay mapapakinggan dito ang panig ni Mayor Guo bilang bahagi ng due process.