DOJ, hihiling sa Interpol na maisyuhan ng red notice si Arnie Teves

DOJ, hihiling sa Interpol na maisyuhan ng red notice si Arnie Teves

MULA sa blue notice ay gustong maisyuhan ng Department of Justice (DOJ) si expelled Cong. Arnie Teves, Jr. ng red notice dahil sa patuloy na pagtatago nito sa Timor-Leste.

Sa isang press briefing, sinabi ni DOJ Sec. Jesus Crispin Remulla, na hihiling ito sa Interpol para sa issuance ng blue notice laban kay Teves dahil na rin sa pagiging terorista nito.

Aniya, magpapalabas din sila ng warrant sa Philippine Center on Transnational Crime laban sa dating kongresista para sa wanted status ni Teves.

“Isa kasi sa winowork out namin ngayon ang Interpol notice nilalakad natin ngayon. Interpol red notice kasi designated terrorist eh, yong warrant na lang ang kinailangang ilabas namin for PCTC to enter to the record the wanted status of Mr. Teves,” saad ni Sec. Jesus Crispin Remulla, DOJ.

Ang red notice ay inisyu para makakuha ng request sa law enforcement sa buong mundo para ma-locate at maaresto ang isang tao na may pending na extradition.

Pero hindi pa rin ito katumbas ng international arrest warrant dahil ang maari lamang gawin ng Interpol ay alertuhin ang mga miyembrong bansa sa wanted status ng isang tao.

Ang isang bansa pa rin ang magdedesisyon kung aaarestuhin nito ang isang indibidwal batay sa kanilang sariling law enforcement.

Samantala, prinoproseso na rin ng DOJ ang pagpapakansela ng passport ni Teves.

At sakali aniyang makakansela na ang pasaporte nito ay lalong liliit ang mundong gagalawan ng dating kongresista.

“Siyempre on the run yan, parang tumatakbo sa batas, paliit nang paliit ang mundo pagka ganun ang mangyayari. Can you imagine mapunta ka sa isang bansa na marahil gusto kang gatasan so marahil bayad ka nang bayad nun, kung hindi ka ikukulong kung hindi ka huhulihin pagka standing record sa Interpol and other standing records,” ani Remulla.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter