PBBM, tinanggap ang imbitasyon ni President Horta na bumisita sa Timor-Leste

PBBM, tinanggap ang imbitasyon ni President Horta na bumisita sa Timor-Leste

PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang arrival honors para kay Timor-Leste President Jose Ramos-Horta sa Kalayaan Grounds ng Malacañang nitong umaga ng Biyernes na sinundan naman ng Guestbook Signing.

Pagkatapos nito ay nagsagawa ng bilateral meeting ang dalawang lider kasama ang kani-kanilang mga delegasyon sa State Dining Room sa Malacañang.

Sa naturang pulong, nagpaabot ng imbitasyon si President Jose Ramos-Horta kay Pangulong Marcos para bumisita sa kanilang bansa.

Nagpasalamat naman si Pangulong Marcos kay President Ramos-Horta sa naturang imbitasyon at

Nagpahayag si PBBM ng interes na paunlakan ang imbitasyon ni Timor-Leste President Jose Ramos-Horta upang patuloy na palawakin ang ugnayan ng dalawang bansa.

“I hope that this visit of yours will be the beginning of more exchanges between our two countries. And I thank you for the very gracious invitation that you have just extended to me to visit your country and we would certainly want to do that,” saad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Ipinahayag din ni Pangulong Marcos ang pagsuporta ng Pilipinas sa proseso ng kasarinlan na dinaanan ng Silangang Timor gayundin sa aktibong partisipasyon nito sa international relations at international events.

Binigyang-diin din ng Punong Ehekutibo ang pangangailangang magsama-sama at mapanatili ang kapayapaan at katiwasayan sa rehiyon lalo na sa mga panahong may kahirapan ang sitwasyon.

Diplomatic relations ng Pilipinas at Timor-Leste, palalakasin at palalawakin—PBBM

Nangako rin si Pangulong Marcos na palakasin at patuloy na palalawakin ang 21 taong relasyong diplomatiko sa pagitan ng Pilipinas at Timor-Leste.

Umaasa si Pangulong Marcos na ang pagbisita sa Pilipinas ni President Ramos-Horta ay magiging napakahalagang simula upang mabuo at lalo pang mapalalim ang relasyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Ipinahayag naman ni President Ramos-Horta ang kaniyang taos-pusong pasasalamat kay Pangulong Marcos at sa gobyerno ng Pilipinas sa mainit na pagtanggap sa kaniya at sa kaniyang delegasyon.

“Your Excellency, President, and Ministers, for me it is a great honor, a pleasure to be in Manila, among many friends and I wish to express my sincere, deepest gratitude for the warm hospitality extended to me and the delegation,” ayon kay Pres. José Ramos-Horta, Democratic Republic of Timor-Leste.

Pinasalamatan din ni President Ramos-Horta ang Pilipinas sa pagiging isa sa mga unang bansang sumuporta sa kanilang pagsisikap na maging ganap na miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Ang Timor-Leste ay sumali sa 42nd ASEAN Summit sa Indonesia noong Mayo bilang isang observer kung saan ipinahayag ni Pangulong Marcos ang patuloy na suporta ng gobyerno ng Pilipinas sa hakbang nito tungo sa pagiging ganap na miyembro ng regional bloc.

Ang Timor-Leste ay ika-171 sa ranking bilang trading partner ng Pilipinas na may total trade na nagkakahalaga ng $164,000; ika-158 export market; at ika-194 na import supplier ng bansa.

PH, Timor-Leste, nagkasundo na magtulungan sa commercial aviation, social security para sa professionals at education

Pagkatapos ng bilateral meeting, ay nagsagawa ng Joint Press Conference ang dalawang lider sa President’s Hall sa Malacañang.

Sa nasabing conference, ipinahayag ang naging kasunduan ng Pilipinas at Timor-Leste na magtulungan sa civilian commercial aviation, social security agreement para sa professionals, at educational cooperation sa pagitan ng kanilang higher learning institutions.

Sinabi ni Pangulong Marcos na kabilang sa mga napagkasunduan ay ang muling pag-convene sa policy consultations na idaraos ng Timor-Leste sa hinaharap.

Napagkasunduan din ng dalawang bansa ang pagtuklas sa mga posibilidad na magkaroon ng direct flights sa pagitan ng Manila at Dili sa pamamagitan ng Air Services Agreement.

Ang dalawang bansa ay sumang-ayon din na magtatag ng isang Bilateral Social Security Agreement upang magbigay ng safety net para sa parehong Filipino at Timor-Leste professionals, at palakasin ang educational cooperation sa pagitan ng kanilang higher learning institutions at pataasin ang student exchanges.

“In addition, as one of the democracies in Southeast Asia, the Philippines also committed to assist Timor-Leste in the skills formation of the Timorese people,” ani Pangulong Marcos.

Inilahad naman ni President Ramos-Horta na labis siyang humanga sa kapayapaan, katatagan maging sa tiwala at kumpiyansa ng investors sa gobyerno ng Pilipinas gayundin sa mahusay na paglago ng ekonomiya ng Pilipinas.

“I am very impressed with the situation today… conducive to economic growth,” dagdag ni Pres. José Ramos-Horta.

Sa kasalukuyan, mayroong 11 pinirmahang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Timor-Leste sa larangan ng iba’t ibang kooperasyon tulad ng economic and technical, higher education, military, at iba pa.

Pormal na naitatag ang diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Timor-Leste noong Mayo 20, 2002.

Timor-Leste, nagpahayag ng suporta sa Pilipinas ukol sa tindig ng bansa sa West Philippine Sea

Samantala, nagpaabot ng pasasalamat si Pangulong Marcos kay President Ramos- Horta sa pagpapahayag nito ng suporta ukol sa tindig ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Saad ni Pangulong Marcos, natalakay nila ang tungkol sa hamong kinakaharap ng Pilipinas at naglatag aniya ng ilang mungkahi hinggil dito ang Timor Leste President.

“That is why it is with gratitude that we also have received the expressions of support from the President for the Philippines in terms of the rules — our adherence to a rules-based international law, to UNCLOS,” wika ni Pangulong Marcos.

Nabanggit pa ni Pangulong Marcos na sa lahat ng isyung kinakaharap lalo na sa usapin ng geopolitical ay nagkaroon aniya sila ng malalim na talakayan at argumento partikular sa patuloy na pagsunod sana sa isang sistema na dapat ay nakabase sa mga patakaran at pandaigdigang batas.

PBBM, pinagtibay ang pangako na suportahan ang Timor-Leste sa pag-unlad sa pamamagitan ng “South-South Cooperation”

Sa isang toast remark naman sa state banquet sa Malacañang, muling pinagtibay ni Pangulong Marcos ang pangako ng Pilipinas na suportahan ang Timor-Leste sa pag-unlad sa pamamagitan ng “South-South Cooperation.”

Binanggit din ng Pangulo ang Buenos Aires Plan of Action para sa pagtataguyod at pagpapatupad ng teknikal na kooperasyon sa developing countries ng 138 member states ng United Nations.

“Allow me, therefore, to reaffirm the Philippines’ unwavering commitment to supporting Timor-Leste’s nation-building and development, including through capacity-building activities within the context of South-South cooperation,” ayon pa kay Pangulong Marcos.

Sa kabuuan, sabi ng Pangulong Marcos ay nagkaroon sila ng produktibong pagkikita at pag-uusap ni President Ramos-Horta.

Nasa bansa ang Timor-Leste President para sa isang four-day State Visit mula November 8-11, 2023.

Follow SMNI NEWS on Twitter