AMINADO ang tanggapan ni Justice Secretary Boying Remulla na marami ang kakulangan sa bansa kaugnay sa mabilis na pagtugon sa problema ng kriminalidad sa bansa.
Isa na rito ang kakulangan sa mga pasilidad at kagamitan sa mas malalim at mas mabilis na paglilitis ng mga kaso lalo na sa usapin sa problema ng nga sangkot sa iligal na droga sa bansa.
Sa isinagawang joint conference nito katuwang ang Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP), isa ito sa ipinangako nilang prayoridad sa ilalim ng Marcos administration.
Sa pag-usad ng talakayan, lumabas din ang maraming dahilan ng mabilis na pagkaka-dismiss ng mga malalaking kaso sa bansa dahil sa kakulangan ng kasanayan ng mga imbestigador sa bansa partikular na sa pangangalap ng matitibay na ebidensiya laban sa mga akusado.
Batay sa datos ng DILG, mayroong mahigit na 200,000 iba’t ibang kaso lalo na sa iligal na droga ang kinakaharap ng mga korte sa bansa ngunit maliit lang na porsiyento nito ang napatutunayan dahil sa kakulangan ng expertise at mga tauhang may malalim na kaalaman sa natukoy na mga kaso at higit sa lahat ay kakulangan ng testigo.
Tugon dito ngayon ng pamahalaan, mas paigtingin ang pagkuha ng mga police personnel at iba pang tauhan na may kaalaman sa batas kasabay ng pagpapalakas ng mga trainings sa pangangalap ng ebidensiya laban sa mga suspek o sangkot sa isang krimen.
Sa ilalim ng bagong administrasyon, iginiit ng mga magkakatuwang na ahensiya ng pamahalaan na mahalaga ang bawat kasong may napapakulong at napapanagot nang paunti-paunti kumpara anila sa dami ng mga kaso na nauuwi lamang sa pagkabasura.
Samantala, sa inaasahang pagbabago sa sistema ng hudikatura sa bansa, may pag-asa anila lalo na ang mga taong inosente at napagbintangan ng kaso partikular na sa usapin ng iligal na droga habang sa mga totoong sangkot sa iba’t ibang kriminalidad tuloy ang kakaharaping parusa.