NAGBIGAY ng mga alternatibong pamamaraan ang Department of Science and Technology (DOST) para maibsan ang hirap na dinaranas ngayon ng transport sector dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Kasama sa sinasabing pamamaraan ng DOST ang paggamit ng cloud-based monitors, electronic sensors (e-sensors) at pagpaparami ng electric vehicles (e-vehicles).
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni DOST Undersecretary Rowena Guevara na ang first line of defense ng bansa sa harap ng pagtaas ng krudo sa buong mundo ay dapat babaan ang consumption.
Sa paggamit ng fuel, iminungkahi ng DOST ang teknolohiya na makatutulong na ma-monitor at ma-conserve ang enerhiya tulad ng cloud-based monitors at e-sensors.
Una nang ipinaliwanag ni DOST Secretary Fortunato de la Peña na makapagbibigay ito ng matalino at komprehensibong decision support na magagamit ng pamunuan kung sila ay kailangang gumawa ng adjustments o kailangan nilang palitan ang equipment na hindi na maayos na nagagamit at aksaya lang sa enerhiya.
Kaya ani Guevara, ang e-sensors at ang paggamit ng cloud-based monitors ay nirerekomenda ng DOST sa mga malalaking gusali.
“Itong cloud-based monitors at saka e-sensors ay isang madaling paraan para malaman ng mga [buildings], lalo na iyong mga government at saka mga malalaking buildings kung kumusta ang kanilang pangkonsumo at saan sila nagwi-waste ng energy,” wika ni Guevara.
Maliban dito, inirerekomenda rin ng ahensya ang paggamit ng maraming electronic vehicles na commercially available na ngayon. Kailangan namang magkaroon ng charging stations para dito.
Sa kasalukuyan, saysay ni Guevara, mayroon nang charging stations na pinapalaganap sa mga probinsiya na nag-adopt ng teknolohiya na na-develop ng ahensya na tinatawag na Charging in Minutes (CHARM).
Kung dati 8 oras ang tinatagal para mag-charge ng baterya ng e-vehicle, napababa na ito ngayon sa 30 minuto.
Sa mga nabanggit na hakbang, tiwala ang DOST na maiibsan ang pag-aray ng mamamayan sa patuloy na pagtaas ng produktong petrolyo.
“Kasi kapag nag-conserve tayo ng energy, iyong babayaran natin na kuryente, siyempre bababa. At kapag bumaba iyong overall consumption natin ng energy sa bansa ay hindi ganoon kalaki iyong impact ng pagtaas ng presyo ng gasolina sa ating lahat,” ani Guevara.
DOE, bukas sa mungkahi sa paggamit ng cloud-based monitors, e-sensors at pagpaparami sa electric vehicles
Samantala, bukas naman ang Department of Energy (DOE) sa anumang suhestyon para sa alternative sources of energy tulad na lamang ng mungkahi ng DOST na paggamit ng cloud-based monitors at e-sensors at pagpaparami sa electric vehicles.
Sa katunayan, sabi ni DOE Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, may programa rin ang ahensya sa alternative sources of energy, partikular ang paggamit ng e-vehicle.
“Iyang e-vehicle, okay po, kasi bihira naman po talaga ngayon – halimbawa nagtataas ng presyo ng kuryente dahil sa petroleum products, kasi bihira naman na po iyong power plant natin na gumagamit ng petroleum products, mga diesel-fired power plant – so, kung makakadagdag po ng tulong iyong mga e-vehicles,” ani Romero.
Kung kaya, hinihikayat ng DOE ang oil companies na magkaroon ng charging station.
“So, nagkakaroon na po ng massive promotions para mag-put up po ng charging station for those entities or companies na mai-engage sa e-vehicle development,” saad ni Romero.
Bukod sa nakatutulong ang electric vehicle sa gitna ng masyadong mataas na ang presyo ng krudo at saka ng gasoline, ay makatutulong din ito sa kapaligaran dahil wala itong pino-produce na masamang emission.
DOE, hiniling sa oil companies ang unti-unting pagtataas ng presyo ng langis
Sa kabilang banda, hiniling ng DOE sa oil companies na gawing staggered o unti-unti ang pagpatutupad ng taas presyo sa petrolyo.
Sinabi ni Romero na nakipagpulong na ang DOE sa oil companies para sa mga paraan upang maibsan kahit papaano ang bigat ng magkakasunod na oil price hike.
Kabilang sa mga inapela ng ahensya sa mga naturang kumpanya ang gawing staggered o unti-unti ang pagpapataw nila ng karagdagang presyo sa gasolina.
Noong nakaraang linggo, ani Romero, mayroong isang oil company na nagpatupad na nito.
Idinagdag na aniya noong Martes ang kalahati ng price adjustment habang ang natitirang kalahati ay ipinatupad makalipas ang ilang araw.
“Within doon sa implementation for the week, ini-staggered niya lang po. So ibig sabihin, may mga naka-avail pa po ng mga consumer na mas mura-mura and then, saka po niya dinugtong iyong isa,” wika ni Romero.
“Sana po lahat ng oil companies, gumawa ng ganoong klaseng strategy, para makagaan man lang sa ating mga consumers,” dagdag nito.
Bukod dito, hiniling din ng DOE sa mga oil company kung ano pa ang ibang maitutulong ng mga ito sa transport sector at iba pang consumer kaugnay pa rin sa taas presyo ng produktong petrolyo.