ANG Department of Transportation (DOTr) ang dapat sisihin hinggil sa pagkukulang ng plastic cards para sa mga driver’s license at blangkong plaka.
Ito ang inihayag ni dating Presidential spokesperson Atty. Harry Roque sa kaniyang programa sa SMNI News.
Paliwanag ni Roque, ang procurement, contract o bidding ng Land Transportation Office (LTO) na lalagpas sa P50-M ay DOTr na ang bibili o mag-bid.
Kaya kung may dapat ireklamo, ito aniya ay ang DOTr.
Una na ring sinabi ni LTO chief Jay Art Tugade, na nasa mahigit-kumulang 3,000 na lamang ang natitirang blank plates para sa mga sasakyan na inaasahang mauubos na sa Hulyo.
Sa Hunyo naman inaasahang mauubos ang mahigit sa 700k natitirang suplay na mga blangkong plaka para sa mga motorsiklo.
Samantala, nasa higit 100,000 plastic cards na lamang ang natitira para sa driver’s license at mauubos na ito sa katapusan ng Abril.