TATAPATAN ng Senado ang ginagawang imbestigasyon ng House of Representatives sa kampanya konta ilegal na droga ng nagdaang Duterte administration.
Ayon kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa kailangan ito para magkaroon ng check and balance ang ginagawa ng Kamara.
Disidido si Sen. Bato na magkaroon ng sariling imbestigasyon ang Senado kaugnay sa war on drugs noon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ayon kay Bato moto proprio ang imbestigasyon, isasagawa bago ang buwan ng Nobyembre, at iimbitahan ang dating pangulo sa pagdinig.
‘Yan ang sinabi ni Dela Rosa, chairperson ng Senate Committee on Public Order, matapos hingan ng reaksiyon sa sinabi ni Sen. Bong Go na handa siyang magsumite ng resolusyon para tapatan ang imbestigasyon ng Kamara.
“Definite na, moto proprio muna habang ‘di pa nai-refer sa akin ang reso ni Sen. Bong Go,” ayon kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.
Si Dela Rosa na dating PNP chief ay tiwala na dadalo si Duterte sa pagdinig. Bukod kay Duterte ay imbitado rin ang kaniyang mga dating kalihim na pwedeng maging resource person.
“Malaking posibilidad na mag-attend siya kung kami ang mag-imbita kasi mas komportable siya dito sa Senado kaysa Lower House,” dagdag ni Dela Rosa.
“Yes ipapatawag natin at pati ‘yung mga cabinet member noon na pwedeng maging resource person,” aniya.
Matatandaan na nitong Lunes ay pinalutang ni Sen. Go ang posibilidad na magkaroon ng pagdinig sa Senado kaugnay sa War on Drugs kasunod ng paglabas sa pagdinig ng Quad Committee sa Kamara ng mga walang basehang akusasyon laban sa kaniya, sa dating pangulo, at kay Sen. Bato.