DSWD, iginiit na walang nilabas na pera kapalit ng pirma kaugnay sa isinusulong na People’s Initiatives

DSWD, iginiit na walang nilabas na pera kapalit ng pirma kaugnay sa isinusulong na People’s Initiatives

NANAWAGAN ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko na huwag basta-basta maniwala sa mga nangangako ng ayuda kapalit ng pirma kaugnay sa isinusulong na People’s Initiatives.

Sa maliit at masikip na iskinita sa Brgy. Vasra, Sitio Palanas A sa Quezon City ay may mga residenteng muntik nang makapirma para makatanggap ng ayuda.

Pero, ang inakalang bigayan signature campaign pala para sa kontroberiysal na PI.

“Anong dala niya maam? Folder, folder lang. Ganyan. Nag-iikot siya nag-iinterview daw siya tungkol sa pamamalakad sa gobyerno sa isip ko ano naman ito. Narinig mo ba na tulong or ayuda? Parang mayroon kaya lang pahapyaw lang hindi ko lang masyado inintindi talaga,” ayon kay alyas Ding.

Kamakailan lang ay hindi rin nakaligtas sa Senate hearing ang DSWD sa alegasyon na ginagamit umano ang Assistance to Individual in Crisis Situation (AICS) o ayuda para makakalap ng pirma.

Ganito rin ang mismong tulong na iaalok sana sa ginang na si alyas Ding pero tinanggihan nito.

Sa isang Pulong Balitaan, araw ng Huwebes, muling nanindigan ang DSWD na kailanman ay wala silang kinalaman sa kontrobersiyal na P.I

Nilinaw ni DSWD Spokesman Assistant Secretary Romel Lopez na walang pera o pondong inilabas ang ahensiya para dito.

Imposible rin na maging kapalit ng pirma ang ipinamamahaging ayuda ng DSWD.

“Tandaan natin noong pumutok ang isyu about PI ngayong January natigil pa nga ang iba nating programa dahil nagbabago ‘yung fiscal year and this January natin sasabihin ay hindi pa dahil ‘yung cash assistance namin ay hindi pa halos 100% operational paglilinaw natin wala talagang salapi ang DSWD na magagmit sa PI,” ayon kay Asec. Romel Lopez, Spokesperson, DSWD.

Pagbibigay-diin pa ni Lopez, awalang kapangyarihan ang sinumang pulitiko na mangialam sa mga benipisyong hatid ng ahensiya.

Mahirap umano makapasok sa mga programa ng ahensiya para sa tulong tulad ng AICS, Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at iba pa dahil dumadaan ito sa mabusising requirements at criteria para matiyak na kwalipikado lamang ang sinumang benipisyaryo.

“It will be very unfair for the DSWD kung isi-single out tayo sa payout na ‘yun. While in fact the payout is intended doon sa recent victims sa mga sunog sa Maynila,” dagdag ni Lopez.

Sigurado aniya pambobola o panloloko ang ginagawa ng ilan sa ating mga kababayan.

Lumalabas din sa imbestigasyon ng Senado na wala ring isa sa mga empleyado ng DSWD ang maituro na sangkot sa alegasyon sa ayuda.

Kasunod nito ay patuloy ang panawagan sa publiko ng DSWD na huwag basta-bastang maniniwala sa mga nangangako na mapapasama sa programa ng kagawaran kapalit ng anumang pirma o aktibidad.

“Maging mapanuri po at para makasigurado sila na ‘yung pinapangako sa kanila ay may patutunguhan dahil as DSWD concern very scrutiny na makapasok sa aming programa ‘yung mabigyan ka ng aming benipisyo ng aming ayuda ay napakahirap. it will be very, very impossible na pirma ka lang makatatanggap ka na,” ani Lopez.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble