SUPORTADO ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkalas ni DND Secretary Delfin Lorenzana sa 1989 University of the Philippines (UP)-Department of National Defense (DND) Accord.
Ito ang sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque ay dahil alter ego ng Pangulo si Lorenzana.
Mababatid na sa ilalim ng naturang kasunduan, ipinagbabawal ang pagpasok ng militar at pulis sa mga campus ng UP nang walang notice sa pamunuan ng pamantasan.
“It wasn’t discussed. Although I found out about it, because I overheard Secretary Lorenzana telling his staff what to do about the release on this. Pero in today’s newspapers, nandiyan naman po iyong dahilan na sinabi ni Secretary Lorenzana, marami pong mga komunista, CPP-NPA, na nagri-recruit sa UP. Pero kagaya ng sinabi ko po ay talaga naman pong alter ego si Secretary Lorenzana, suportado po iyan ng ating Presidente,” pahayag ni Roque.
Naniniwala naman ang tagapagsalita ng Palasyo na ang nasabing hakbang ay hindi maituturing na paglabag sa academic freedom ng mga estudyante ng UP.
Ito aniya ay dahil sa ibang bansa tulad ng Inglatera, kabahagi ng siyudad ang mga campus doon kung saan malayang nakaiikot at nakapapasok ang mga pulis sa mga unibersidad.
Gayunman, aminado si Roque na hindi niya personal na naranasan na may military at pulis sa loob ng UP campus, pero nang mag-aral ito sa ibang bansa, mayroong presensya ng mga pulis doon.
“Well, gaya ng sinabi ko po ‘no, dalawampu’t limang taon akong nandiyan sa UP pero nagtatlong taon din ako sa Amerika, isang taon sa Inglatera – iyong sa Amerika po at sa Inglatera, mayroon din pong pulis sa mga campuses. So hindi naman po siguro dahil hindi lang naman UP ang pamantasan na mayroong academic freedom. Sa buong mundo po mayroon iyan at sa buong mundo, sakop naman po sila ng kapulisan,” aniya pa.
Paglilinaw pa ng kalihim, ang aksyon ng DND ay hindi nangangahulugan na basta-basta na lamang mang-aaresto ang mga sundalo ng mga nagsasagawa ng kilos protesta.
Ang mandato lamang aniya ng mga ito ay para sa defense purposes.
Ipinauubaya naman ng Malakanyang sa UP at DND ang pag-uusap kaugnay ng panawagan ng unibersidad na irekonsidera ang hakbang na ito.
VP Robredo, dismayado sa pagbasura ng 1989 UP-DND Accord
Sa kabilang banda, dismayado si Vice President Leni Robredo sa pagbasura ng DND sa kasunduan na nagbabawal sa mga pulis at sundalo na tumapak sa loob ng UP campuses.
“This is neither a difficult nor onerous rule, and five Presidents since 1989 have managed to protect both the UP community and the Republic without breaking it,” ani Robredo.
Sa isang statement, sinabi ng bise presidente na panibagong hakbang ito ng administrasyon upang patahimikin ang mga kritiko.
“This is not a practical gesture, but a symbolic one. One designed to sow fear. One designed to discourage dissent. One designed to silence criticism,” ayon pa sa bise president.
Sa isang liham, inilahad ni Secretary Lorenzana na isa sa dahilan ng kanilang “unilateral termination” sa UP-DND Accord ay ang umano’y recruitment ng mga komunistang grupo sa loob ng campus ng UP.