E-CLIP program, isa sa mga susi para sumuko ang libu-libong miyembro ng CTGs

E-CLIP program, isa sa mga susi para sumuko ang libu-libong miyembro ng CTGs

LIBU-libong mga dating rebelde na ang natulungan ng pamahalaan magmula nang binuo ng administrasyong Duterte ang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) noong taong 2016.

Ang E-CLIP ay isa lang sa mga programa ng gobyerno upang iparamdam sa mga dating naligaw ng landas ang mga serbisyo nito para sa mga nangangailangan ng tulong.

Sa pamamagitan ng socio-economic interventions, pagbibigay ng financial assistance, cash-for-work opportunities, at marami pang iba.

Sa panayam ng SMNI News kay Col. Louie Dema-ala na tagapagsalita ng Philippine Army, noong nakaraang taon lang umabot na sa mahigit limang libong former rebels ang nabigyan ng bagong buhay sa pamamagitan ng nasabing programa.

“Marami-rami rin, mga almost 5,000 na former rebels ang nakapag-avail nung E-CLIP,” saad ni Col. Louie Dema-ala, Spokesperson, PA.

Bagamat ngayong 2024 ay patuloy pa ang ginagawa nilang validation kung ilan ang nakapag-avail sa nasabing programa.

Sinabi nito na ang iba sa mga dating rebelde na sumuko ay hindi lang nabigyan ng simpleng pamumuhay kundi ay naging aktibong miyembro pa ng Philippine Army.

“Dun sa record naman ng Philippine Army, meron tayo ‘yung mga former rebels na nag-apply ng E-CLIP na naging sundalo din, wala lang akong eksaktong data but definitely meron tayong mga former rebels na nag-avail ng amnesty at tsaka E-CLIP na naging sundalo, naging successful na sundalo,” dagdag ni Dema-ala.

Dahil dito ang mga dating rebelde na ang naging instrumento upang makapanghikayat ng mga nasa armadong grupo na magbalik loob na sa pamahalaan.

“So sila ‘yung ginagamit natin na makipag-usap sa mga kababayan natin lalong-lalo na doon sa pamilya nung mga nasa armado pa dahil kilala naman nila kung taga saan at kilala nila kung sino ‘yung mga kamag-anak at ‘yun ang pinupuntahan nila para kausapin para sa pagpapaabot sa mga kamag-anak nila na nasa loob pa ng armado na mag-surrender na,” ayon pa kay Dema-ala.

Sa ngayon aniya dahil sa magandang resulta ng E-CLIP at iba’t ibang ginagawang paraan ng pamahalaan upang makamit ang kapayapaan, positibo ang Philippine Army na ngayong taon matatapos na ang problema sa armadong pakikibaka.

Base kasi sa kanilang huling tala, nasa 11 in-active guerilla fronts na lang ang kanilang mino-monitor.

“Masasabi natin na we are kumbaga konti na lang malapit na natin silang ma-neutralized dun nga sa latest reports natin meron pang tayong 11 in-active na guerilla fronts and within the year marami pang madi-dismantle na guerilla fronts so we expect na within the year na to totally mawala na,” aniya.

Ngunit sa kabila nito, magiging alerto pa rin aniya sila sa pagbabantay at ipagpapatuloy ang pagbibigay ng serbisyo sa taong bayan upang hindi na balikan at muling samantalahin ng maling idelohiya ng CPP-NPA-NDF.

“Pero siempre kahit wala na ‘yung mga guerilla fronts alerto pa rin tayo at tuluy-tuloy pa rin dapat ‘yung mga services na binibigay sa ating mga kababayan para hindi na ulit magkaroon ng isyu na pu-pwedeng i-exploit nung kabila,” aniya pa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble