Nasawi ang isang elementary school principal matapos tambangan ng mga armadong lalaki sa Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur nitong Miyerkules ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Dionel Villabito Mahusay, principal ng Pendililang Elementary School, na nagtamo ng mga tama ng bala at agad nasawi.
Papunta na sana sa trabaho si Mahusay at minamaneho ang kaniyang minivan nang pagbabarilin sa highway sa Barangay Salbu.
Mabilis namang tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril, habang nawalan ng kontrol sa sasakyan ang biktima at bumangga sa isang roadside shed.
Si Mahusay ang ikaanim na nasawi sa magkakahiwalay na ambush incident sa Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur at Bangsamoro Special Geographic Area sa loob lamang ng tatlong araw.
