Apat na testigo ang nakatakdang iharap ng defense team ni Vice President Sara Duterte sa dalawang araw na pagdinig ng impeachment court, simula ngayong Huwebes.
Kabilang dito ang anti-money laundering expert na si Atty. Rainer Dela Fuente at tatlong opisyal mula sa Department of Trade and Industry, Food and Drug Administration at Center for International Trade Expositions and Missions.
Tatalakayin ng mga testigo ang Anti-Money Laundering Act, business registration ng Cale88 Foods Corp., product approvals at mga imbitasyon sa kumpanya para lumahok sa international food expositions.
Layunin ng depensa na ipakita ang legal na operasyon at dokumentadong business activities ng Cale88, na iniuugnay sa asawa ni Duterte na si Atty. Manases Carpio.
Naging sentro ng mga alegasyon ang kumpanya matapos lumitaw sa mga financial records ang tinatayang P319.33-million remittances mula mainland China at Hong Kong.
Iginiit naman ng depensa na kailangang masuri ang mga transaksiyon at dokumento. Nilinaw rin ng impeachment court na ang pagtanggap sa mga financial records bilang ebidensiya ay hindi awtomatikong nangangahulugang napatunayan na ang mga alegasyon.
