HUMIHILING ng dagdag kapangyarihan para ibaba ang presyo ng kuryente ang Energy Regulatory Commission (ERC).
Gumagalaw na ang Kamara para amyendahan ang Electric Power Industries Reform Act (EPIRA) Law.
Mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang nais amyendahan ang batas na taong 2001 pa nang maipatupad.
Sabi noon ng pangulo pagkatapos niyang manalo sa eleksiyon na outdated na ang EPIRA at kailangan itong mabago at higpitan ang pagpapatupad.
“We have to be very strict in enforcing EPIRA but beyond that, we also have to look at possible amendments to EPIRA,” saad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Kaya ang Department of Energy (DOE), nag-prisinta ng kanilang bersyon ng bagong EPIRA.
Sa ilalim nito, binibigyang kapangyarihan ang Pangulo ng Pilipinas na magdeklara ng electric power crisis kung lubhang mababa ang suplay o labis na mahal ang presyo ng kuryente.
Binibigyan din ng kapangyarihan ang pangulo na suspendihin ang pagsingil ng buwis at iba pang royalties sa lahat ng ‘indigenous sources of energy’.
Bibigyan din ng kapangyarihan ang national government na i-take over ang isang transmission facility kung kinakailangan.
“Problema ng transmission, ‘yun yung cause kung bakit tayo nagkaka-black out. So ang ginawa naming not just for the foreign ownership pero sinabi naming kung hindi ma-comply ng NGCP ang isang project as scheduled, puwede na siyang i-take over ng government,” ani Usec. Sharon Garin, DOE.
Ayon naman sa isang kongresista, kailangan palakasin ang kapangyarihan ng ERC.
Ito’y para masuri kung makatuwiran ba ang presyo ng kuryenteng binibenta ng mga planta.
Distribution at transmission lines lang umano ang hawak ng ERC.
Tumbok dito ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) pati na ang power companies gaya ng Meralco at mga electric cooperative.
“Na kahit ipakita man lang ‘yung mga halimbawa ‘yung coal ini-import yan… So kahit yung mga importation document lang magkano ba ‘yung bili nila doon o then plus yung mga taxes then macalculate nila.”
“Kung magmahal man at least we are assured na tama yung cost na walang labis,” ayon kay Rep. Sergio Dagooc, APEC Party-list.
Sang-ayon naman dito ang ERC pero may dagdag silang request sa Kongreso.
Ayon kay ERC chair Mona Dimalanta, buhat nang maipasa ang EPIRA, naging triple ang dami ng distribution companies na ni-reregulate ng ahensiya.
Kaya sana anila madagdagan ang kanilang pondo at manpower.
“Hinihingi sana namin ‘yung mabago yung structure ng ERC para mas maging responsive kami doon sa lumaking power sector,” ayon kay Atty. Mona Dimalanta, Chairperson ERC.
Hiling din nila ma makapagpataw ng mas mataas na multa sa mga lumalabag na kompanya o coop.
Sa ngayon, P50 million lang kasi ang maximum penalty na kanilang puwedeng ipataw.
Hiling din nila na ibawas na lamang sa buwanang konsumo ang multa.
Sa ganitong paraan, agad na bababa ang presyo ng kuryente.
“So hinihiling namin na we will be having the ability to require na yung peninalized namin for example P50 million, P500 million, gamitin noong utility for example as rebates or refund para bumaba diretcho yung impact sa consumers na naapektuhan niya,” dagdag ni Atty. Dimalanta.
Hindi pa ito ang pinal na bersiyon ng EPIRA ang iba, masyadong teknikal ang paliwanag.
Pero may katiyakan ang Kongreso na patuloy nilang hihimayin ang amendments batay na rin sa mandato ni Pangulong Marcos.