Escrow provision ng proposed Magna Carta for Filipino seafarers, hindi makatao—grupo ng mga seafarer

Escrow provision ng proposed Magna Carta for Filipino seafarers, hindi makatao—grupo ng mga seafarer

NAGLABAS ng hinaing ang grupo ng seafarers patungkol sa isang probisyon na nakasaad sa Magna Carta for Filipino Seafarers.

Ayon kay Butch Elabu, President ng Association of Marine Officers and Ratings, Inc. (AMOR)  tutol sila sa ipinasok na Section 51 o escrow provision sa proposed Magna Carta for Seafarers sa Kamara.

Sa ilalim ng probisyon, anumang monetary award para sa isang may sakit o namatay na seaman mula sa National Labor Relations Commission (NLRC) o National Conciliation and Mediation Board (NCMB) ay hindi agad makukuha ng nanalong seaman.

Ito ay ilalagay muna sa isang escrow account hanggat wala pang pinal na desisyon ang korte.

Makukuha lamang ang disabilities or death benefits kung magkakaroon na ng final ng Supreme Court na kadalasan ay umaabot sa lima hanggang 10 taon.

Pero, para sa nabanggit na grupo na “unconstitutional” at “anti-seaman”  ang naturang probisyon dahil sa ilalim ng labor code ay dapat “final and executory” na ang desisyon ng NLRC o ng NCMB.

Sinabi pa ng grupo, dahil sa escrow provision ay baka mawalan na ng kumpiyansa ang mga seafarer na maghain ng claims dahil lalong tatagal ang pag-aantay bago makuha ng mga ito ang disability o death benefits.

Sa panayam kay Rep. Ron Salo, chairman ng House Committee on Overseas Workers Affairs, binigyang-diin nito na para sa proteksyon ng mga Filipino seafarer ang escrow provision sa panukalang Magna Carta of Filipino Seafarer.

Kasunod ito ng pagtutol ng ilang seafarers group sa naturang probisyon ay ikadedehado ng mga marino.

Paglilinaw naman ni Salo, ibibigay talaga sa seafarer ang lahat ng benepisyo na nakasaad sa kontrata.

Ang tanging ipapasok lamang sa escrow ay ang halaga na posibleng maging kabayaran nito sakaling manalo sa kaso.

Sakali naman na nais pa rin itong kunin ng seafarer ay maaari itong mag-isyu ng bond.

Dagdag pa ng kongresista, may mga pagkakataon na pinababalik sa seafarer ang ‘discretionary award’ oras na umabot sa Court of Appeals o Supreme Court ang kaso.

Makikinabang din naman aniya ang seafarer sa escrow money dahil kung tumagal man ang pagdinig sa kaso, ay kikita ito ng interes at oras na manalo ay mas malaki ang perang makukuha.

Ani Salo, tila misguided o misinformed ang mga ito kung kayat hindi naiintindihan ang kahalagaan ng naturang probisyon.

Giit ni Salo, hindi anti-seaman ang naturang probisyon dahil tanging proteksyon lamang ng seafarers ang inaalala nito.

Punto pa Salo, hindi mapagkakaila na isang propaganda lamang ang ginagawa ng ilang grupo kung kayat paninira ang ipinapakalat sa mga seafarer.

Mababatid na nitong nakaraang araw lamang ay naipasa na sa ikalawang pagbasa ang House Bill 7325 o Magna Carta of Seafarers.

Tugon ito sa mga problemang kinakaharap ng maritime higher educational institutions pagdating sa shipboard training ng kanilang mga kadete.

Ito ay upang makasunod din ang Pilipinas sa itinatakda ng International Convention on Standards of Training at Certification and Watchkeeping (STCW Convention).

Sinabi pa ni Salo, sa susunod na Martes ay maaaring maaprubahan na ito sa ikatlong pagbasa.

Paalala ni Salo, paraan din ito upang mapalakas ang maritime industry ng bansa.

Sisigurihin din nito ang proteksyon ng seafarers tulad ng pagkakaroon ng proper work condition, pantay, patas na employment terms, at sapat na career opportunity.

Magkakaroon ng isang standard employment contract na naglalaman ng terms and conditions ng employment na aprubado ng Department of Migrant Workers at sumusunod sa probisyon ng 2006 Maritime Labor Convention.

Ipinapanukala rin na bigyan sila ng “green lane” o exemption pagdating sa anumang travel-related o health-related movement restrictions.

Ang lahat ng maritime higher education institutions na nag-aalok ng Maritime Degree Programs ay inaatasan na magkaroon ng sariling training ships o pumasok sa kasunduan sa mga lokal o international shipping companies, shipowners, o manning agencies para sa shipboard training ng mga estudyante.

Bibigyan din ang mga seafarer ng educational advancement at training sa abot-kayang halaga.

Sakop ng panukala ang mga Filipino seafarers na nagtatrabaho sa foreign-registered at Philippine-registered ships.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter