NAKAPOSAS ang mga kamay at paa ni dating Cong. Arnie Teves Jr. habang dinadala sa eroplano na magdadala sa kaniya pabalik ng Pilipinas mula sa bansang Timor-Leste.
Isinakay ito sa Philippine Air Force at bago mag-alas tres ng hapon ay nakalipad na ang eroplano.
Si Teves ay nahaharap sa patong-patong na kaso ng murder, frustrated, at attempted murder kasunod ng pagpatay kay dating Governor Roel Degamo at sa siyam na iba pa noong Marso 4, 2023.
Siya ang itinuturong utak o mastermind sa pagpatay.
Ang kaniyang repatriation ngayon sa bansa ay bunsod na rin ng Deportation Order ng Timor-Leste Government dahil sa pagiging banta umano sa kanilang national security.
Posible na mamayang gabi ang lapag ng military plane sa Villamor Air Base at agad na dadalhin si Teves sa detention center.
Marami na umanong inihanda ang DOJ na maaaring paglagakan kay Teves, kabilang na ang NBI detention facility.
Asahan na rin umano na maihaharap na ito sa korte para sa kaniyang arraignment.
Base naman sa mensahe ni DOJ Spokesperson Asec. Mico Clavano, hindi papayagan ang media coverage sa Villamor Air Base kung saan ilalapag ang eroplano para hindi ma-delay ang paglilipat kay Teves sa detention facility.
“There will be no coverage at the airport po. This is the call of PCO and DOJ, jointly. This is to prevent any hindrance to the immediate transfer to the detention center.
I will update this group later as to where that will be,” ayon kay Asec. Mico Clavano, Spokesperson, DOJ.
Samantala, naniniwala naman si Atty. Ferdinand Topacio na hindi dapat naipa-deport si Teves, lalo’t hindi pinaboran ng korte sa Timor-Leste ang extradition request at kinatigan pa ang habeas corpus petition ni Teves.
Sa kautusan ng korte, dapat maiharap si Teves sa loob ng 48 oras upang magbigay paliwanag ang mga awtoridad kung bakit siya inaresto.
“Dito po ay makikita natin na hindi sinunod ang korte sapagkat under the said term of the order he should have been produced in court. That should be separated as stay of the deportation for the sake that the deportation is legal,” wika ni Atty. Ferdinand Topacio, Legal Counsel ni Arnie Teves.
Pakiusap ng mga abogado ni Teves na mabigyan sila ng impormasyon kung saan dadalhin ang kanilang kliyente.
Sabi ni Topacio, gagawin nila ang lahat ng legal na paraan upang matiyak na hindi malalabag ang mga karapatan ni Teves.
“We will avail all legal avenues that are available to us inorder to protect and the rights for our client. Nanalig po kami na wala siyang kasalanan,” ani Topacio.
Ito naman ang pahayag ni Topacio sa pahayag na security threatang pananatili ni Teves sa bansang Timor-Leste.
“Ang sa akin lang po eh noon naman pong buong time na naroon si Ginoong Teves, wala naman pong nangyaring masama sa Timor-Leste. Wala namang ginawang krimen si Ginoong Teves,” aniya.
Samantala, si Mrs. Janice Degamo, ang biyuda ni Roel Degamo, ay nagpaabot ng pasasalamat sa pamahalaan ng Timor-Leste sa pagpapadeport kay Teves. Umaasa siyang sa pagbabalik nito sa bansa ay makakamit na nila ang matagal nang hinihintay na hustisya.
“The Government of Timor-Leste has recognized what we have long known to be true, that the continued presence of Arnie Teves in their country compromises regional peace, security and the rule of law.”
“I thank the Timorese authorities for their courage and clarity in declaring that harboring fugitives, especially those wanted for heinous crimes like the Pamplona Massacre, is unacceptable. This is not just a legal issue, it is a moral one. For over two years, Arnie Teves has evaded justice, even after being formally charged for the brutal assassination of my husband, Governor Roel Degamo, and nine innocent others.”
“Their actions and tonight’s press release make it clear, that Timor-Leste will not be used as a safe haven for those who undermine justice and democratic values,” pahayag ni Janice Degamo, Biyuda ni Roel Degamo.