INANUNSIYO nitong Miyerkules ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na sisimulan na ng gobyerno ang pagbebenta ng P20 na bigas sa Visayas.
Aabot aniya sa 40 kilo kada buwan ang maaaring bilhin ng bawat pamilyang konsyumer, hindi lang sa Visayas dahil palalawakin pa ito sa buong bansa.
“Initially, itong program ng DA was supposed to last for until December pero puwede pa stretch ‘yan hanggang February… the Department of Agriculture to formulate this to be sustainable and tuloy-tuloy hanggang 2028,” saad ni Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., Department of Agriculture.
Ang pahayag ng DA chief ay tinuligsa ng Federation of Free Farmers (FFF).
Kinuwestiyon ng grupo ang timing ng planong P20 na bigas na mula sa lumang stock ng National Food Authority (NFA).
Sabi ng dating kalihim ng DA, na siya ring chairman ng grupo, bakit ngayon lang ito gagawin ng gobyerno na nakapagdeklara na sila ng “food security emergency” sa bigas para ibenta sa mga lokal na pamahalaan.
Ang nakakabahala rin aniya ay kung kaya bang i-sustain ng DA ang pagbebenta nito, hindi lang sa Visayas kundi sa buong bansa.
Sa kalkulasyon kasi ng dating DA chief, kakailanganin ng 1.6/kg hanggang 1.7/kg ng palay na gigilingin para maging bigas.
Ngunit ang bilihin na umano ng palay ngayon sa mga magsasaka ay nasa hanggang P23 kada kilo. Iba pa aniya diyan ang cost of production na posibleng umabot ng hanggang P37.
Kaya kung ibebenta umano ito ng DA sa P20 ay malaking lugi ito para sa gobyerno.
“So, ibig sabihin magkakaroon ng subsidy o pagkalugi ang gobyerno natin bawat kilo na ibebenta ng P17. So, if you multiply that hindi natin alam kung ilan ngang target beneficiaries sa Visayas… let just say 1 million ang qualified. So, daily ay bibili ang bawat isa ng 1 milyon na mamamayan ng P20 na NFA rice, ang gugulin ng gobyerno natin ay P16 o P17 milyon na subsidy o pagkalugi. So, in 1 month that… kalahating bilyong piso ‘yan just in the Visayas so in 1 year naku po that will be siguro P6 bilyon maybe in 1 year in just in the Visayas,” wika ni Leonardo Montemayor, Former DA Secretary & Chairman, Federation Of Free Farmers (FFF).
Dagdag pa ni Montemayor, hindi lang gobyerno ang maapektuhan sa planong ito kundi maging ang mga lokal na magsasaka.
Kapag nangyari aniya kasi ‘yan, babagsak ang presyo ng palay.
“Kasi, ang P20 na bigas ay ang katumbas niyan na presyo ng palay ay P10 bawat kilo. Mabigat ‘yan sa mga farmer kasi ang production cost niya ay P15/kg so if you will sell this palay na P10 na lang ay lugi siya ng P5 ng bawat kilo ng palay. So, baka down the road ay maraming farmers natin ang hindi na magtanim ng palay kasi magiging palugi sila,” ani Montemayor.
Masyado na aniyang desperado ang gobyerno sa hakbang nila matapos ang palpak na implementasyon ng “food security emergency.”
Hanggang ngayon aniya kasi ay nasa halos 20,000 bags pa lamang ang nailalabas mula sa mga bodega ng NFA—malayo sa target na higit 300,000 bags na ibenta sana sa mga lokal na pamahalaan.
“Desperado rin ang DA and NFA na mabawasan talaga ‘yung kanilang buffer stocks kasi habang tumatagal ay lumuluma ‘yan. Kapag puno ‘yung bodega mo, hindi ka makabibili ng bagong palay,” dagdag ni Montemayor.
Nababahala rin ang grupo sa kalidad ng bigas—dahil ilang buwan na itong nakaimbak sa mga bodega sa iba’t ibang rehiyon.
“Kasi, in the past nga ay may mga pagkakataon noong nakaraan na ‘yun daw’ng mga porsyon ng NFA rice ay hindi maganda ang quality. ‘Yung nagkukulay tapos… matigas,” aniya.
“Hindi puwede ‘yung porke mahirap na kababayan natin ang siyang bibili ng bigas at P20 ay okay na lang ‘yan na kahit hindi masyadong maganda. Hindi puwedeng ganoon,” aniya pa.
Ekonomista: Mababang trust rating ni PBBM sa Visayas, posibleng dahilan ng pilot run ng P20/kg na bigas ng DA
Para naman sa isang ekonomista na si Dr. Michael Batu, pagpapabango lang ang ginagawa ng kasalukuyang administrasyon sa paglalabas nito ng P20 na bigas.
Kaduda-duda rin nga aniya kung bakit Visayas ang piniling pilot implementation ng P20 na bigas ng gobyerno, na kung tutuusin, maraming nagugutom at nangangailangan sa NCR.
Kaya posible, aniyang, nire-repair lang daw ni Marcos Jr. ang mababang trust rating nito sa Visayas kaya’t doon ito sa Visayas pasisimulan.
“Makikita natin ‘yung disapproval at distrust rating ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na makukumpara mo ito ng 2 buwan noong Pebrero at Marso na ito. Makikita natin na malaking ibinaba ng trust rating at approval rating ng Presidente. In fact, sa disapproval ay malaki ang increase nito na 29 points sa Visayas at ‘yung distrust naman ay tumaas ito ng 29 points… Ang tanong diyan, bakit mahalaga ang Visayas Region?” ayon kay Dr. Michael Batu, Economist.
Dagdag pa ni Batu, kung pagbabasehan daw kasi ang datos mula sa Commission on Elections—mula sa apat na rehiyon—ay aabot sa halos 14 milyon ang botante sa Visayas. Katumbas ‘yan ng 20 percent sa kabuuang registered voters sa buong bansa.
“Napakahalaga ng rehiyon na ‘yan. Isa ‘yan sa mga rehiyon na kailangang maipanalo ng kung sino mang tumatakbo on national level… So, it’s no surprise kung iko-konekta natin doon sa disapproval rating at distrust rating at tsaka sa dami ng botante ay it all makes sense now kung bakit nila diyan ginagawa sa Visayas,” ani Batu.
Giit niya, ang hakbang na ito ng administrasyon ay hindi para sa kapakanan ng mga Pilipino kundi sa pansariling interes.
“Konektado pa rin ito sa eleksyon kasi ‘yung timing makikita natin na 2 1/2 weeks na lang ay mag-eeleksyon na kaya ni-roll out nila ito sa Visayas na kung saan maraming vote-rich provinces at historically makikita natin na kapag nag-improve ang net satisfactory ng Presidente ay mahihila niya ‘yan pati ‘yung kanyang slate para manalo.”
“Itong programang ito sa pagro-rollout ng bigas ay I think it’s all about politics,” giit nito.
Sabi pa ni Batu, mangangailangan ng malaking pondo ang gobyerno—higit P50B—para makapagbenta ng P20 na bigas sa higit 5 milyong pamilya sa Visayas.
Pero, sabi ng kalihim ng DA, nasa P4.5B lang daw ang inalaan nilang pondo para sa nasabing programa.
Ang tanong ngayon: hanggang saan aabot ang P20 na bigas?