Ex-DND Secretary: Negosyo, hindi tulong ang pagpayag ng US na makakuha ng fighter jets ang Pilipinas

Ex-DND Secretary: Negosyo, hindi tulong ang pagpayag ng US na makakuha ng fighter jets ang Pilipinas

NILINAW ngayon ng dating kalihim ng Department of National Defense (DND) na hindi tulong kundi isang malinaw na negosyo ang pagpayag ng Estados Unidos na magbenta ng mga fighter jet sa Pilipinas.

Ayon pa sa senatorial candidate na si Norberto Gonzales, hindi ito ang dating Amerika na kaniyang nakilala.

“Masya­dong garapal ‘yan. Hindi ugali ng mga Amerikano ‘yan. Baka ugali lang ng presidente nila ‘yan,” ayon kay Norberto Gonzales, Senatorial Candidate.

Ito ang binitawang pahayag ni Gonzales patungkol sa pagpayag ng Estados Unidos na magbenta ng mga kagamitang pandigma sa Pilipinas.

Sa eksklusibong panayam ng SMNI News kay Gonzales, sinabi nito na hindi na ito ang Estados Unidos na kaniyang nakilala noon—ang Estados Unidos na sobra aniya ang ibinibigay na tulong sa ibang bansa. Ngunit ngayon, kabaliktaran na, dahil tila mas nangingibabaw pa aniya ang negosyo kaysa sa pagtulong.

“Ang akala ko naman kasi noong araw, kunyari bahagi ng ating mutual defense treaty, kung mamimili tayo kunyari ng five billion, tatapatan ng five billion ng US ‘yan ng libre eh, hindi ko nadidinig ‘yon eh,” dagdag ni Gonzales.

“Kaya nga lang meron tayong bagong pangulo sa Amerika na pati itong pagtulong sa kapwa at sa mga kaibigan, nine-negosyo. Kaya tignan mo, pagpasok dito, for sale agad,” aniya.

Ganito rin aniya ang nangyari sa bansang Ukraine.

“‘Nung unang nagsisimula ang giyera sa Ukraine, wala ako naririnig na babayaran pala ng Ukraine lahat ng binibigay sa kanila. Nung dumating si Trump, hinihingi ‘yong kanilang mineral resources in payment for the help that they give to Ukraine,” giit nito.

Kung matatandaan, ilang araw matapos na umupo bilang presidente ng Amerika si Donald Trump, nagpalabas ito ng internal memo na maghihigpit sa lahat ng tulong nito sa ibang bansa.

Apektado ng naturang kautusan ang lahat ng development assistance at military aid, kabilang na ang bansang Ukraine, na tumatanggap ng bilyon-bilyong dolyar para sa mga armas.

Kaugnay rito, nauna nang sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi maapektohan ng nabanggit na kautusan ang matagal nang kasunduan ng Pilipinas at Amerika, tulad ng Visiting Forces Agreement (VFA).

Kasunod nito, inamin ni Gonzales na hindi ito kayang pondohan ng Pilipinas dahil lubog ang bansa sa utang, dagdag pa ang nangyayaring kurapsiyon sa kasalukuyang administrasyon.

Bagamat aminado ang dating kalihim ng DND na akma sa kasalukuyang nangyayari ang pagbili ng dalawampung F-16 fighter jets dahil sa namumuong tensiyon sa pagitan ng China at Taiwan, mas mainam aniya na ihanda ang mismong mga kababayan, lalo na ang mga kabataan.

Paliwanag nito, habang maaga pa lang, dapat hubugin na ang mga kabataan na maging makabayan at higit sa lahat, hindi titigil ang pakikipag-usap sa mga bansang may kinalaman sa nasabing isyu upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa mga kapitbahay na bansa.

“Maganda sana ang mga kabataan natin. Simulan na nating bigyan ng military training kasi ang military training hindi lang naman ‘yan pakipagpatayan, nagke-create ‘yan ng certain character on our young people” aniya.

“Kailangan makipag-usap tayo kasi hindi natin alam kung kelan magbabago ang sitwasyon internally sa leadership ng China. Lahat ng window of opportunity para magkaroon ng peaceful resolution dito sa mga conflict natin, hindi natin binibitawan ‘yan, tuloy-tuloy lang ‘yan,” aniya pa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble