NAKATAKDA nang umuwi ng bansa sa susunod na linggo ang mga waging Filipina junior weightlifters na sumabak sa 2022 Asian Youth & Junior Weightlifting Championships sa Uzbekistan ayon sa AirAsia.
Inaasahang darating sa bansa ang dalawang atleta sa Hulyo 27.
Nakatakda ring bumisita ang mga nasabing atleta sa Red Point Headquarters ng AirAsia Philippines sa parehong araw bago lumipad pauwi sa Zamboanga City kung saan inaasahang tatanggap sila ng hero’s welcome.
Matatandaan nakasungkit ng 5 gintong medalya ang mga naturang atleta.
2 gold at 1 silver medal ang nakamit ni Angeline Landag Colonia.
Binasag ni Colonia ang World at Asian records matapos humakot ng 2 ginto at silver medal mula sa 62kg, 61kg at 40kg na kategorya.
Nasungkit naman ni Rosalinda Baclas Faustino ang 3 gintong medalya sa kategoryang 71kg, 90kg at 49kg.
Ang dalawang atleta ay tinulungan ng AirAsia Philippines kung saan ipinagkaloob sa kanila ang libreng air ticket kasama ang kanilang coach na si Gregorio Francisco Colonia palipad ng Maynila para sa kanilang pag-eensayo sa ilalim ng Philippine Sports Commission (PSC).
Upang ipagdiwang ang kanilang tagumpay, nangako ang World’s Best Low-Cost Airline na sasagutin nito ang kanilang mga biyahe papunta at pabalik ng Zamboanga sa panahon ng kanilang pagsasanay bilang paghahanda sa paparating na 2023 World Youth Championships sa Columbia at sa 2023 SEA Games sa Cambodia.