MAINIT ang panahon, ngunit mas mainit ang sabik ng fans na makita muli ang Filipinas sa home turf. Pero sa kabila ng inaasahan, tila kinapos ang team sa organisasyon, tapang, at diskarte.
Wala ang ilang star players tulad nina Sarina Bolden, Meryll Serrano, at Quinley Quezada. Bagong mukha, bagong sistema sa ilalim ng bagong coach na si Mark Torcaso. Ngunit hindi naging sapat ang mga ito para makabawi laban sa isang mas matibay na Chinese Taipei — ang parehong koponang tinalo ng Filipinas para makapasok sa 2023 World Cup.
Tahimik ang unang half ng Filipinas: walang chemistry, walang matalas na atake. Sa ikalawang half, bahagyang bumuti, pero kulang pa rin ang tapang at creativity. Nagkulang ang team sa risk-taking, kadalasang pabalik-balik ang pasa sa likod.
Bagamat may ilang magagandang galaw si Janae DeFazio, hindi ito naging sapat. Sina Jackie Sawicki, Chayse Ying, at Sara Eggesvik ay hindi nakaambag nang husto.
Sa kabila ng pagkatalo ay may panahon pa sila para makabawi. Sa June 29, sasalang ang Filipinas sa AFC Asian Cup Qualifiers laban sa Cambodia, Saudi Arabia, at Hong Kong.