FM ng Japan, surpresang bumisita sa Ukraine; $37-M na tulong, ilalaan sa Kyiv

FM ng Japan, surpresang bumisita sa Ukraine; $37-M na tulong, ilalaan sa Kyiv

BUMISITA sa Ukraine si Japanese Foreign Minister Yoko Kamikawa nang hindi inaanunsiyo sa publiko at nangako na maglalaan ito ng $37-M na pondo sa North Atlantic Treaty Organization (NATO) para suportahan ang Kyiv sa nagpapatuloy na digmaan nito sa Russia.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na bumisita sa Ukraine ang top diplomat ng Japan noong buwan ng Setyembre.

Ayon kay Kamikawa, maghahatid ng unmanned aircraft detecting system ang Japan sa pinakahuling pagpopondo nito sa Ukraine.

Magbibigay rin ang Tokyo ng limang mobile gas turbine power generators para tulungan ang mga Ukrainian sa masamang panahon.

Ang naging pagbisita ni Kamikawa ay kasunod ng nakaambang na pagpupulong ng dalawang bansa sa Pebrero 19 ukol sa muling pagsasaayos ng Ukraine.

Si Kamikawa ay dumating sa Ukraine sa pamamagitan ng tren mula sa Poland at muling binigyang-diin na kinokondena nito ang Russia sa pambobomba rito gamit ang missiles at drones.

Bukod kay Ukrainian Foreign Minister Kuleba ay nakipagkita rin si Kamikawa kay Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy at Prime Minister Denys Shmyhal.

Matatandaan na naging surpresa rin ang pagbisita ni Prime Minister Fumio Kishida sa Ukraine noong Marso 2023 at nangako na $30-M na halaga ng non-lethal equipment sa Ukraine sa pamamagitan ng NATO fund.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter