GANAP na ipatutupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa buong bansa ang “Food Stamp Program” sa Hulyo ngayong taon.
Ito ay anim na buwan kasunod ng matagumpay na pilot implementation sa ilang bahagi ng bansa.
Ang nasabing anunsiyo ay ginawa ni DSWD Undersecretary Edu Punay sa isang press briefing sa Quezon City nitong weekend.
Naglabas ang Malacañang ng Executive Order (EO) No. 44, na nagtatatag ng “Walang Gutom 2027: Food Stamp Program” bilang isang flagship program ng gobyerno.
Ang DSWD ay magsasagawa ng mga kinakailangang hakbang para sa matagumpay na pagpapatupad at pagpapalawak ng programa.
Nilalayon ng Food Stamp Program na bawasan ang saklaw ng boluntaryong pagkagutom na nararanasan ng mga sambahayang may mababang kita.
Ito ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng monetary-based assistance sa pamamagitan ng Electronic Benefit Transfer (EBT) card na magagamit sa pagbili ng mga piling pagkain mula sa mga eligible partner merchant store.
Idinagdag ni Punay na sinisimulan na nila ang paghahanda para sa ganap na implementasyon ng programa, isa na rito ang pagkuha ng mga kinakailangang kawani sa mga lugar na sakop nito.
Matatandaang nagsimula ang pilot testing ng programa noong Disyembre ng nakaraang taon at inaasahang magtatapos ngayong buwan.