Gatchalian, hinimok ang DOE na magtakda ng kaayusan, direksyon para sa PNOC

Gatchalian, hinimok ang DOE na magtakda ng kaayusan, direksyon para sa PNOC

DAPAT isaayos ng Department of Energy (DOE) ang Philippine National Oil Company (PNOC) at mga subsidiary nito at magtakda ng patnubay para sa kumpanya sa gitna ng hindi epektibong pagganap ng mandato nito ayon kay Senador Win Gatchalian.

Ayon sa senador, ang PNOC ay nilikha noong 1973 para siguraduhin ang sapat na suplay ng mga produktong petrolyo at matugunan ang mga pangangailangan sa loob ng bansa at para itaguyod ang exploration at pagpapaunlad ng mga lokal na mapagkukunan ng langis.

Gayunpaman, hindi nagampanan ng PNOC at ang mga subsidiary nito ang epektibong pagsasagawa ng kanilang mga mandato.

Sinabi ng mambabatas na ang mga kumpanya at subsidiaries ng PNOC ay wala sa ayos.

Halimbawa, ang PNOC Renewables Corp. (PNOC RC) ay nakapagtala ng P380 milyon na pagkalugi mula noong 2013 habang ang PNOC-Exploration Corp. (PNOC EC) ay nabigong makapag-produce ng langis at gas maliban sa Malampaya Gas Field.

Gayundin, ang targeted fuel relief program (TFRP) ng PNOC na naglalayong tulungan ang mga sektor na direktang apektado sa tuwing tumataas ang presyo ay hindi na napakinabangan ng programang Pantawid Pasada.

Dahil diyan ay itinigil muna ang TFRP, ganyan din ang nangyari sa strategic petroleum reserve (SPR) ng PNOC.

Ang SPR ay binuo upang magtatag ng isang strategic oil stockpile upang matiyak ang seguridad sa suplay ng langis sa bansa.

Bukod dito, ang energy supply base (ESB) ng PNOC na naglalayong magbigay ng world-class energy supply base port facilities ay hindi naman talaga naisakatuparan ayon kay Gatchalian.

“Kailangan nating palakasin ang mandato ng PNOC dahil malaking tulong sa ating ekonomiya kung magkakaroon tayo ng sarili nating mapagkukunan ng langis at para hindi laging nakasalalay sa pag-angkat natin ng produktong petrolyo ang suplay at presyo dito sa bansa,” dagdag ni Gatchalian.

“Ang kahalagahan ng presensya ng gobyerno sa larangan ng exploration at development ng langis ay napakahalaga lalo na’t ang bansa ay humaharap sa mga hamon na may kinalaman sa enerhiya na nagmumula sa labas ng bansa. Panahon na para magbigay ang DOE ng maayos na direksyon para sa PNOC,” pagtatapos niya.

Follow SMNI NEWS in Twitter